Thursday, November 27, 2008

Lost and Found (?)

Nawawala ang pick ng gitara ko. Hinalughog ko na ang buong apartment na tinitirhan ko -- bawat cabinet at bawat drawer, bawat libro at bawat appliance, kulang na nga lang e bunutin ko mula sa lupa ang buong bahay at itaktak nang patiwarik, baka sakaling malaglag ang hinahanap ko mula sa kung saan mang kasuluk-sulukan, kadilim-diliman at kadumi-dumihan -- pero wala pa rin. Naiwala ko ang pick ng gitara ko. Yung kauna-unahan. Yung itim. Yung bigay sa akin ng kaibigan ko nung nakaraang Pasko.

At tulad ng aking susi ng locker, rubber shoes, P 100 na pambili dapat ng diaper ng kapatid ko, high school graduation pin, college library card, kapalit na college library card, sandosenang sinturon, sangkaterbang panyo, piniratang ,wallet, ID na laman nung wallet, at affidavit of loss para sa ID na laman nung wallet, kailangan ko na atang tanggapin na hindi na kami muling magkikita pa ng pick ko.

May idadagdag na naman ako sa listahan ng mga bagay na pinabayaang maligaw ng landas ni RJ. Panibagong kukurot-kurot sa puso ko kapag umaga at magmumulto sa mga panaginip ko kapag gabi. Sabi nga ng nanay ko, pasalamat daw ako, nakakabit sa akin ang bayag ko. Kasi kung nagkataong hindi, matagal na raw akong kapon.

Ang problema kasi sa akin, animo may sariling isip ang kamay ko. Alam ng utak kong ang isang bagay, dapat ilagay kung saan siya dapat ilagay. Pero ang aking walanghiyang kamay, kung saan-saan nilalapag ang hawak ko. Tuloy, sa pag-aakalang alam ko kung saan ko inilagay ang isang bagay, lumilipas ang mga araw na panatag ang loob ko, para lang magulantang pagdating ng sandaling kailangan ko na yung gamitin, dahil wala naman pala ang nasabing bagay doon. Dang! Saka lang ako magsisimula ng search and rescue operation, na kadalasan eh hindi na umaabot ng rescue dahil search pa lang, abort mission na.

Hindi pa naman ako naniniwala dun sa "Letting Go" ek-ek na kung saan-saan ko na nabasa at narinig.

Nung maiwala ko ang wallet ko sa canteen ng PLM, natuklasan kong ang pinakabasurang pwede mong sabihin sa taong nawalan ng gamit ay "Huwag mo nang intindihin yun. (Ilagay mo rito kung ano ang bagay na nawala) lang yun!" Kalokohan. P 2000 ang laman ng wallet ko. Nung mga sandaling yun, ang sarap tanggalan ng larynx bawat magsabi sa akin ng "Pera lang yun!" Oo, gusto mong makatulong, gusto mo akong pakalmahin, pero para sa akin, hindi yun pera lang. Pera yun. Katumbas ng isang buwang scholarship allowance ko yun. Isang buwang pagpupuyat sa pag-aaral yun. Maglalaho na parang bula at hindi ko iintindihin?

Yung capo ko, pwede kong palitan. Kayang-kaya kong bumili ng panibago, kamukhang-kamukha para hindi mahalata ng kaibigan ko. Pero hindi na yun ang kauna-unahan kong capo. Maski itim din yun, hindi na yun ang bigay ng kaibigan ko nung nakaraang Pasko. Hindi yun pick lang. Pick yun.Basura rin para sa akin ang mga salitang "Kalimutan mo na yun." Kung talagang mahalaga para sa akin ang isang bagay na naiwala ko, bakit ko naman ito gugustuhing malimutan?

Hindi ko sinasabing buong buhay ko nang ipagluluksa ang gamit ko pero hangga't maaari, gagawa ako ng paraan para manatili itong buhay sa alaala ko -- doon man lang ay maipakita ko kung ano ang naging kabuluhan nito sa buhay ko. Lalo pa't hindi napipilit ang paglimot; ito ay hinahayaang mangyari, sa sarili nitong panahon. Walang karapatan ang ibang taong idikta kung kailan darating yun.

Pero ang lalong hindi ko masikmura sa mga "Letting Go" ek-ek ay ang pagtutulad sa pagkawala ng mga bagay sa pag-alis ng mga tao sa ating buhay, sa dahilang higit na komplikado ang huli kesa sa una.

Nung maiwala ko ang payong ko sa PLM, nag-alala kaya siya sa akin? Ipinagtatanong kaya ng nameplate ko sa mga kapwa nameplate niya kung hinahanap ko siya? Dapat ba akong magalit sa high school graduation pin ko dahil umalis siya nang hindi nagpapaalam? Natural, hindi, dahil ang bagay, walang isip. Ang tao, meron. Kapag nawala ang isang tao sa buhay mo, dalawa kayong nag-iisip. Hindi mo alam kung ano ang iniisip ng kabila. Pero kapag bagay ang naiwala mo, alam mo kung ano, kasi wala.

At oras na ang isang bagay na nawala ay bumalik, walang dudang itatago mo na ito at pag-iingatan. Samantalang kapag ang isang taong nawala ay bumalik, aba, panibagong usapan pa iyan.Ang pagkawala ng mga gamit ay isa sa mga hindi ko maaaring makasanayan. Bawat bagay ay may kanya-kanyang halaga; bawat pagkawala ay panibagong pagsubok sa determinasyon kong maghagilap.

Pahaba nang pahaba ang listahan ko, malabong mabawasan at umiksi. Maaari kong makalimutan kung ano ang tatak ng pick ko, kung aling kanta ang una kong natugtog gamit ito, o kung saan ko ito huling napagmasdan, pero habambuhay nang nakaukit sa isip kong naiwala ko ang isang bagay na mahalaga sa akin, at maaaring pati sa ibang tao.

Yun ang masakit, dahil hindi lahat ng naiwawala, naibabalik.

No comments: