Unti-unti akong pinapatay ng aking konsensiya.
Halos masuka-suka na ako sa aking ginagawang job-hunting, paglipat-lipat ng opisina sa Ortigas para sa mga job interview, at pagikot-ikot sa kagubatan ng Ayala. Nakakahilo. Nakakapanghina. Nakakapanghinayang. Hanggang ngayon di ko pa rin matanggap na ito ang naging kahinanatnan ko, na sa di kalayuang panahon magiging alipin rin pala ako ng mga kapitalista. Wala pa ring kawala.
Matapos ikasuklam, kalabanin, banggain sa klasrum at lansangan ang konsepto ng kapitalismo, neo-kolonyalismo at ang samu’t saring manipestasyon nito sa Pilipinas, heto ako kumakatok sa pinto ng mga korporasyon, naghahanap ng trabaho. Nakakatawa kung tutuusin, parang isang absurdong bangungot.
“Welcome to the real world,” sabi ng tibak kong kaibigan, na ngayo’y isang disgruntled employee. “Buti ka pa, papasok pa lang, may panahon ka pang pumili at umayaw. Samantala ako, wiz! Heto, isang baklang nagpapakaputa. Nakakatawa, bakla na nga, puta pa. Mas keri pa nga kong tumalon na lang ako mula sa tuktok churva ng building. At least, namatay akong intact ang dignidad at hindi nagpapalamon sa sistema.”
Isa lang siya sa marami kong kakilala na araw-araw, segu-segundo ay digmaan: digmaan sa pagitan ng kanilang pinaniniwalaan at realidad. At gaya sa rally at malawakang pagkilos sa lansangan, madugo at marahas ang bawat sagupaan. Di mo malaman kung sino ang nagwagi, kung sino ang talunan sa araw na iyon dahil parehong ayaw magpatinag. At sa paglubog ng araw, may panibagong bukas namang kakalabanin, may panibagong giyera. Mahirap talaga mamuhay sa sinapupunan ng demonyo. Pero ikanga ng bandang Garbage, “the trick is to keep breathing.”
“Pero makakaraos din tayo,” seryoso niyang sinabi, “hangga’t buhay ang diwa sa iyong kaloob-looban, hanggang naniniwala ka, magkakaroon ka ng sapat na lakas upang makayanan mong mabuhay dito sa mundo. At ito ang katatandaan mo, huwag na huwag kang magpapalamon. Mabubulok ka lang sa sistema. Remember (put my name here), darating din ang rebolusyon.”
Darating din ang rebolusyon. Bigla akong natahimik at natulala nang narinig ko ‘yon. Darating din ang rebolusyon. Parang isang himig na napakasarap pakinggan. Pero kailan ito darating? Buhay pa ba ako no’n? Ano ang gagawin ko habang hinihintay ang rebolusyon?
Mahirap habulin ang isang mailap na pangarap. Mahirap maniwala sa isang ideolohiyang kumukontra sa dominanteng hegemonya. Mahirap baguhin ang sistema kung kunti lang kayo at mardyinalisado. Unti-unti ka kasi nilang sinasakal, pinapatay ‘di lang katawan pati diwa’t kaluluwa, pati panaginip. Mahirap pala maging isang progresibong peti-burgis ngayon sa panahon ng ligalig.
Ayoko ko kasi maging isang robot at alipin ng bundy clock. Ayoko maging bahagi ng dambuhalang assembly line ng mga kompanyang multi-national. Ayoko maging sunod-sunuran sa mga alagad, propeta at mga pantas ng kapitalismo. Pero kahit saan man ako mapadpad, nandoon sila, hinihikayat akong sumakay sa kanilang magic carpet ride.
Sa madaling salita, ayoko maging isang makina. Gusto kong manatiling isang tao. Napagisip-isipan ko, heto na siguro ang hamon sa amin sa kasalukuyan, paano kami mamumuhay habang nakikipagsagupaan sa kalaban, paano namin dadalhin ang laban sa pinili naming career, paano namin ipagpapatuloy ang paggiba sa status quo, sa dominante at mapang-aping sistema, paano namin bubuwagin ang elite democracy, paano namin ipaglalaban ang mga mardyinalisadong sektor ng ating lipunan. Isang malaking hamon na hindi namin pwedeng atrasan.
Madali lang ang buhay ko noong ako’y estudyante pa lamang. Malayo kasi ako sa galamay ng kalaban, prinoprotektahan pa ako ng mapagkalingang yakap ng akademya. Pero ngayong ako’y parang isang sanggol na iniluwal sa mundo nang walang kalaban-laban, paano ako mamumuhay at makikipagtunggali sa bago at mas malupit na tereyn ng kontensyon?
Gaya ng mga kaibigan ko, araw-araw ko’y magiging isang digmaan na rin. At habang ako’y unti-unting pinuputakte ng aking konsensiya, magtitiis muna ako. Magkukunwari, maghahanap, magpapatangay, susuong sa rumaragasang agos ng buhay habang unti-unti kong hinuhukay ang aking libingan.
Balang araw, makakalaya rin ako/tayo. Balang araw.
Thursday, November 27, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment