Sigurado raw na mararamdaman mo kapag may multong malapit sa iyo. Tatayo ang balahibo sa batok mo... Biglang lalamig ang paligid... Iikot ang tiyan mo... Para kang biglang may kasama. May mararamdaman ka sa paligid mo kahit alam mong ikaw lang mag-isa.
Bata pa lang ako, matatakutin na ako. Takot ako sa dilim, humihina ako kapag mag-isa. Hindi ko rin kayang manood ng mga nakakatakot na palabas sa TV (gaya ng taunang November 1 special ng magandang gabi bayan), o mga pelikula (uso noon ang shake rattle and roll). Ang palagay ko, bakit mo pagdaraanin ang sarili mo sa nakapanlalambot na hilakbot? Mas lalong ayokong makakita, o makaramdam, o makaengkwentro ng multo. Hindi ko yata kakayanin. Baka himatayin ako sa takot. Hindi ko nga maintindihan 'yung mga taong sumasali pa sa mga workshop para buksan ang third eye nila. Bakit di ba? Bakit?! Pero siguro, ako lang talaga 'yun--- kulang sa tapang, liglig ng nerbiyos.
Hindi ko naiwan sa pagkabata ang takot ko sa dilim, at sa multo. Sa paglaki ko, nadagdagan pa nga ang mga takot ko--- tumaba, magka-cancer, bumagsak sa mga klase ko, at marami pang iba. Pero higit sa lahat ng mga ito, ang magmahal at masaktan. Natuklasan ko na hindi gaya ng takot ko sa mga multong ni hindi ko nga alam kung gawa sa hamog, o sa usok, o basta gawa lang ng imahinasyon ko--- mas nakapanghihina, mas nakapanghihilakbot pala ang magmahal at masaktan. Naranasan ko na iyon. Ang magmahal, mawalan, at halos mabaliw sa sakit. Nang mawala ka sa 'kin para akong sira-ulong ayaw maniwala at ayaw tumanggap, parang praning na ipinipilit sa sariling "babalik siya.... babalik siya."
May mga namamatayan ng kapamilya o kaibigan na sa tindi ng pangungulila, hinihiling nila na magmulto ang namayapa na. Hindi na mahalaga kung kahibangan ito--- mabigyan lang ng kahit isa pang pagkakataon na makausap o masilayan man lang ang mahal sa buhay na inagaw na ng kamatayan.
Nang nawala ka, handa akong ibigay ang lahat, ang kahit ano, bumalik ka lang kahit sandali. Kahit sa anong paraan. kahit isang maikling text lang, o e-mail, o friendster message. Maramdaman ko lang na kahit tapos na ang lahat, mahalaga pa rin ako sa iyo. Pero walang dumating. Ni hindi ka man lang nagparamdam. Kahit na parang ritwal ko nang tinatawag ang pangalan mo gabi-gabi, wala. Wala ka na talaga. Naging mas madali nga ang pagtanggap sa pumanaw nating pagkakataon, pero kasabay nito, mas naging mapait naman ang aking pag-aayuno.
Tuloy ang buhay. Kailangan e. Natuto akong magmahal ng iba at unti-unti ring nawala ang lungkot. Naniniwala rin naman akong mayroon akong karapatang maging masaya, at mas gusto kong ngumiti kaysa umiyak. Nariyan naman ang ala-ala mo, nariyan ang pag-ibig na kahit kailan ay hindi ko na maibibigay sa iba bukod sa iyo. Pero sabi nga ng idol kong si Sharon Cuneta, "once you love someone, you never stop loving them. you just love them in newer ways." (mula sa "kung ako na lang sana"). Habang nagmamahal ako ng bagong pag-ibig, patuloy pa rin kitang minamahal. Alam ko iyan. Naroon na rin siguro ang kaalamang dahil patay na nga ang panahon natin sa paningin ni kupido, hindi ko na kailangan buhayin pa ang sakit. Tanggap ko na. Paminsan minsan nga, dinadalaw pa ng diwa ko ang mga nakakalat na lapida ng ating nakaraan. Kapag nakakarating ako sa mga lugar na noo'y nakasama kita, kapag naririnig ko ang mga awit na pinili ko para sa 'ting dalawa--- para na rin akong nagtitirik ng kandila at nag-aalay ng bulaklak sa ala-ala mo.
Hanggang sa nagmulto ka. P*ksh*t.
Ang sabi nila, hindi tumatawid sa kabilang buhay ang mga espiritung may mga hindi pa tapos na misyon sa mundong ito. Pakiramdam nila, may mga transaksyon pa sila sa kanilang buhay na kailangang isara at maisakatuparan. Ang iba nga raw, hindi pa tanggap na patay na sila kaya ayaw pa umalis. palutang-lutang sila, patuloy ang "buhay", ginagawa pa rin ang mga pinagkakaabalahan nila noon. Ang iba naman, sadyang naghahasik ng takot at pangamba. Sadyang gustong makarinig ng mga tili at makakita ng nasindak na mga mukha habang nagsasabog sila ng lagim.
Simpleng text lang, umikot ang mundo ko. Hindi ko alam kung magdiriwang ako o manlulumo. Nakakatuwang nakakatakot e. Sa tagal ng panahon na hinintay kong maramdaman ka, hanggang sa nalimutan ko na nga kung bakit, hindi ko na alam kung ano ang reaksyon ko. Pero, napatunayan ko noon na totoo pala: kapag minulto ka, tatayo ang balahibo sa batok mo, manlalamig ka, iikot ang tiyan mo, at sigurado ka sa presensiya ng multo sa paligid mo.
"Nabuhay" kang muli sa mundo ko. Lagi ka na namang nariyan sa haraya ko. Pa’no, dumalas ka mag-text, tumatawag ka pa, paminsan minsan nagkakape pa tayo’t tumatawa habang nilulunod ang ating mga sarili sa venti mocha frap with mint syrup. Matagal na panahon akong nangulila ako sa iyo, kaya ang saya saya saya ko sa tuwing nariyan ka. Kahit paminsan-minsan. Kahit paunti-unti. Dahil nga mahal naman kita, tinanggap ko ang pagmumulto mo. Sabi ko, wala naman sigurong masama, pakiramdam ko pa nga ang tapang ko. Hinayaan ko nang bukas ang third eye ng puso ko.
Lubos na sana ang magiging kasiyahan ko kung tuluyan ang iyong pagbabalik... pero lagi ka rin namang nawawala. Hindi ko alam kung bakit ginagawa niyong mga multo iyon, parang gustong gusto niyong nagpaparamdam, manggugulat, tapos mawawala naman. Hindi ka naman nagtatagal sa mga dahilang ikaw lang ang nakaaalam. Noong simula hinihintay pa kita lagi, pero nakakapagod rin. Mahirap pala 'yun. Mahirap pala magmahal ng kaluluwa--- hindi kita mahawakan, hindi kita mayakap, hindi kita mahalikan. Malamig na hangin na lang ba talaga ang magiging katumbas ng pag-ibig ko?
Para sa mga taong may kakayahang makakita ng mga espiritu at ibang nilalang, wala raw ibang mas maiging gawin kundi tanggapin ito. Sumpa man o biyaya, hindi na mahalaga. May dahilan lahat ng bagay sa mundo. Baka nga paraan na rin ng Diyos na buksan ang ikatlong mata't ikaanim na pandama ng ilang tao sa mundo... mabigyan man lamang ng pagkakataon ang mga alagad ng kabilang buhay na marinig at maintindihan.
Mahal pa rin kita. Pakiramdam ko, alam mo naman iyon e, kaya ka nga matapang magmulto. Pero magkaiba na tayo ng mundo, marami nang nagbago. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan mong magparamdam gayong wala ka na rin namang kayang gawin na paraan upang tuluyang magbalik, upang muling mabuhay sa mundo ko. Nang-aasar ka lang ba talaga sa pagdalaw mo? Kung hindi, ano ba ang "unfinished business" mo? Ano bang maitutulong ko? Sapat na ba sa iyo ang ganito--- ang mahalin natin ang isa't isa sa magkabilang mundo, sa magkaibang paraan? Iyon lang kasi ang maibibigay ko. At alam ko... hanggang du'n lang rin ang kaya mo.
Patuloy na tatakbo ang buhay ko. At sa tuwing mumultuhin mo ako, ngingiti na lang ako. Oo, tatayo pa rin ang mga balahibo ko sa batok, manlalamig at iikot pa rin ang tiyan ko... Pero hindi na ako matatakot.
Hindi ka totoo.
Thursday, November 27, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment