Pagpatak ng alas siyete y medya, bumibigat na ang tibok ng puso ko.Tila lahat ng bagay sa paligid ay kumakaripas sa pagsabay sa paglipas ng oras. Nagmamadali, bumibilis. Pinipilit kong maunahan ang pagdating ng ala otso y medya. Alam kong sa ganitong oras ka dumarating. Pinipilit kong maunahan ang iyong pagdating, ang pagbukas mo ng pintuan at ang pagtingin mo sa iyong salamin.
Kapag pinapalad, andito ako sa isang lugar na di kalayuan kung asan ka. Tinitingnan at tinatanaw ang napakaganda mong mukha. Sabay nito ang pag higop ng kape at iniisip kung papansinin mo ba ako ‘pag tayo ay nagkasalubong. Tumitigil ang aking mundo, para akong isang bata na nakatanga sa isang estante na puno ng magagandang laruan. Para akong nakatitig sa paglubog ng araw, ninamnam ang bawat sandali na namamasdan ka. Sa loob ng kinse minutos, ganito ang buhay ko.
May ilang buwan na rin ang nakalipas ng tayo ay nagkakilala. Hindi tayo ganong ka-close, iba ang kaibigan mo at iba rin ang mga kaibigan ko. Pero tinamaan ako, love at first sight ika nga ng iba. Walang may alam nito, ako lang. Kinimkim ko ito sa sarili ko. May mga ilang pagkakataong nagkakausap tayo, pero hindi tungkol sa nararamdaman ko kundi sa trabaho, may mga ilang beses na rin kitang napatawa gamit ang mga luma kong jokes, masaya ako ‘pag nakikita kitang nakatawa. Kontento na ako dun.
Alam kong hindi sapat ‘yun para magustuhan mo ako, ni hindi mo nga alam na may gusto ako sa’yo. Habang tumatagal, lalong lumalalim ang nararamdaman ko sa’yo. Mahal na kita. Ngayon naniniwala na ako na pwede palang turuan ang puso. Pero wala akong ginawa, natakot ako, marami akong ginawang dahilan para pigilan ang pag-ibig ko sayo. Inaamin ko naduwag ako.Nalaman ko na lang, sinagot mo na pala yung isang nanliligaw sa’yo. Nadurog ang aking puso, ngayon nagsisi ako na sana man lang nagparamdam ako ng aking pag-ibig.
Pero huli na ang lahat.
Ilang araw na lang malapit na ang araw ng mga puso, sa aking pagbibilang, eto na ata ang ikatlo kong taon na mag-va-valentine na mag isa. Ngayon, kapag binabalikan ko ang mga pangyayaring iyon, lahat ng aking pangungusap ay nasisimulan ng sana.
Sana nasabi ko sa’yo. Sana ako ang minahal mo. Sana masaya tayo ngayon. Sana mas mapapatawa kita. Sana mas aalagaan kita, mas mahahalin kita at mas iingatan kita. Sana. Napakasarap ibahagi ang iyong buhay sa taong mahal mo at alam mong mahal ka.Hanggang ngayon, inuunahan ko pa rin ang iyong pagdating, ang pagbukas mo ng pintuan at pagtingin mo sa iyong salamin. Sa loob ng kinse minutos.
Thursday, November 27, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment