Thursday, November 27, 2008

Ang (A)lamat ng pulang ngipin

Nagdadalaga na si Nimpa. Tinutubuan na siya ng pimples at nagsisimulang umumbok ang kanyang harapan. Sa makalawa, ipagdiriwang na niya ang ika-13 kaarawan. Gaganapin na ang kanyang kinatatakutan niyang ritwal ng pagtitinta ng ngipin. Sa seremonyang ito, habang nginunguya ang nganga, bababa si Daugbulawon – ang diyosa ng kagandahan – upang sumanid at gisingin ang kaluluwang natutulog sa murang katawan ni Nimpa.

Punla

Kung naiintidihan lang ni Nimpa ang mahabang kasaysayan at kahalagahan ng ritwal na pagnganganga sa kanilang kultura, marahil, hindi na siya aalma pa. Ang pagnganganga o betel nut chewing ay isang kaugalian ng pagnguya ng bunga ng areca at apog na nakabalot sa dahon ng ikmo. Pinaniniwalaang nagsimula ang tradisyon ito 4,500 hanggang 5,000 taon na ang nakararaan. Ayon kay Rosa Magno-Icagasi, isang iskolar ng araling pansining, laganap ang pagnganganga sa lahat ng etnolingwistikong grupo – mula Batanes hanggang Tawi-Tawi, sa kabundukan at kapatagan, sa lipunan ng mga Kristiyano at Muslim, at gayundin sa mga tribong animistiko.

Ayon sa mga alamat, isang sagradong pamana ng mga diyosa ang ritwal ng pagnganganga. Dahil sa mayamang mitolohiyang bumabalot dito, naging sentro ito ng pamumuhay ng mga katutubong Pilipino. Lahat ng gawaing panlipunan tulad ng kasalan, lamay, paglilitis o pagpupulong ay nagsisimula at nagtatapos sa pagnganganga. Noong sinaunang panahon, maaring maubusan ng bigas o mais ang isang pamilya ngunit hindi kailanman ang nganga.

Masusukat ang kahalagahan ng pagnganganga sa lipunan ng mga katutubo sa paggamit nito sa wika, ayon din kay Magno-Icagasi. Mahahanap ang terminolohiyang ito sa iba’t ibang anyo ng panitikan—tulad ng bugtong, kasabihan, at alamat – saan mang lugar ng Pilipinas. Sa katunayan, mas marami pang salita tungkol sa nganga kaysa sa bigas, buko, at mais. Makikita rin ang nganga sa mga alamat ng mga Tiruray, Manobo, Bagobo, Hanunoo at sa mga kasabihan ng mga Pangasinanense, Tagalog, Kalinga, at Yakan.

Pagdura at Paglimot

Subalit sa kasalukuyan, unti-unting kumukupas ang tradisyon ng pagnganganga dahil sa pagpasok at paglaganap ng kulturang popular na tangan ng mass media. Bilang isa sa mga salarin sa tuluyang pagkawala ng katutubong gawi at paniniwala, sa kumpas ng mass media, naididikta kung ano ang uso at hindi, tama at mali, maganda at pangit. Hinuhubog ito ng kanluraning pananaw kaya napalalaganap ang pagsupil ng kulturang tradisyonal.

Ganito hinuhubog ng mass media ang pananaw ni Nimpa. Sa mga panoorin sa telebisyon at larawan sa diyaryo’t magasin, nahihibang siya sa kanyang mga hinahangaan artista. Tulad ng iba pang kabataan, pinapangarap din niyang matamo ang sinasabing magandang anyo ng kanyang mga idolo. Ginagaya ang hitsura, porma at pananamit ng kanilang mga hinahangaan; na pinakete, inayusan, at binihisan ng mundo ng showbiz. Kaya’t hindi nakapagtataka, abalang-abala si Nimpa sa pagpapaganda, sa pagpapahaba ng buhok, at pagpapaputi ng ngipin. Gusto niya maging Britney Spears o Kristine Hermosa.

Ngunit habang naaakit siya sa kinang ng showbiz, nagiging alipin siya sa dikta ng mga institusyong nagpapalaganap ng kulturang popular. Malaki ang ginagampanang papel ng mga kapitalista sa pagpapalago ng ganitong kultura dahil ang kulturang popular ay laging nakaangkla sa dikta ng konsyumerismo. Katambal ng popular na konseptong pinpalaganap ng media, sinusulong din ng kulturang popular ang mga produktong makatutulong sa pagtamo ng ninanais na katayuan o hitsura. Binulag na si Nimpa ng mga patalastas ng mga produktong pampaputi ng ngipin at pampabango ng hininga. Para sa kanya, hindi na rin ang mapait na nganga ang katangap-tangap na nguyain, kundi ang matamis na bubble gum.

Dahil sa pangingibabaw ng kulturang popular, natitinag ang mga etnikong grupo sa lipunang ginagalawan ni Nimpa. Ang nangyayaring dominasyong ito ng isang kultura (na kadalasa’y produkto ng Kanluran) sa isa pang kultura ang tinatawag na “cultural hegemony.” Ayon kay Antonio Gramsci, isang Italyanong teorista, paraan ito ng isang dominanteng grupo upang magpatuloy sa kapangyarihan sa pamamagitan ng pagkontrol ng mga institusyong kultural. Sa kaso ng Pilipinas, pinapalawig ng mass media ang gahum na ito upang humakot ng kita at mapanatili sa kanilang katayuan ang dominanting pangkat.

Kaya’t masasabing ang kultura at mitolohiyang bumabalot sa pagnganganga ay isang terayn ng tunggalian ng mga taong nakikinabang sa pagkamatay o sa pagpapatuloy nito. Nagsasalpukan na parang dalawang batong ayaw magpatinag. Maraming lebel ng kontradiksyon ang nagaganap dito habang marami ang nabibitag sa gitna ng banataan ng magkatunggali. Hindi isang madaling linggatong ang bumabagabag kay Nimpa. Hindi ito simpleng usapin ng banggaan ng luma at bagong tradisyon o ng pag-iiba ng kaisipan at pananaw tungkol sa kultura at lipunan. Higit sa lahat, ito ay usapin ng kapangyarihan at ang unti-unting pagkitil nito sa iba’t ibang gawaing katutubo.

At sa banggaan ng kulturang popular at etnikong tradisyon, lumilitaw ang pagkabihag ni Nimpa sa una na mas niyayakap ng nakararami at itinuturing na mas katangap-tangap.

Bunga

Ngunit sa kabila ng pananaig ng mga dayuhang kultura, ayon nga kay Nick Joaquin, lagi’t lagi pa rin tayong mumultuhin ng kulturang residual ng mga katutubo. Mahalagang tandaang hindi lahat ng banyagang impluwensiya ay masama – mapanupil lang ang mga ito kung may nagaganap na dominasyon sa lipunan.

At dahil unti-unting nawawala ang ating mga katutubong tradisyon, tayo’y napipilitang na magbalik-tanaw na lamang sa panahong malaya tayong bumuo at gumawa ng sarili nating kultura. Ngunit hanggang nabubuhay pa ang mga ganitong tradisyon, nabubuhay din ang puwersang sumasalungat laban sa isang kulturang homogenized. Dahil ang mga kagawiang ito ang nagpapatibay at nagpapaalala sa ating nakaraan.

Mahirap sumalungat sa rumaragasang ilog. Ito ang natanto ni Nimpa habang napapagitna siya sa kontensyon ng iba’t ibang kultura. At sa gitna ng giitan, napipilitan siyang pumili sa dalawang magkatunggaling kultura. Pero buo na ang pasya ni Nimpa na magkaroon ng “pearly white teeth” dahil nabihag na siya ng nangingibabaw na hegemonya. Dahil mahirap maging mapula sa kalawakan/espasyo ng kaputian.

No comments: