Ito ang breaking news: "Walang kapalit ang una mong Lego."
Bata pa siya noon at ang buhay ay isa lamang bulto ng plastik na mayroong iba't ibang korte, maaaring pagkabit-kabitin bagamat iba't iba ang mga sukat nito.
Kaya naman nang una niyang makita sa Gift Gate ang isang kahong mayroong iregular na tao at pangkarerang oto, daglian niyang hinatak ang palda ng ina't itinuro ang laruang hinaharangan ng makapal na salamin.
Hindi daw pwede.
Araw-araw sa kanyang pag-uwi, pilit niyang sinusubukang tunawin ng kanyang paningin ang salaming naghihiwalay sa kanya't sa Legong inaasam. Malayo ito't mataas ang pagkakalagay sa istanteng nangungutyang hindi mo siya maaabot. Hindi mo siya mahahagkan. Hindi mo siya mabubuksan at mapaglalaruan. Hinding hindi.
Ligaw tingin ng mangingirog, kulang sa pansin, mahawakan lamang ang iniibig...
Gagawin ko ang lahat.
Isang linggong walang recess at lunch. Isang buwang naglalakad pauwi mula sa eskuwela. Isang taong nagkukunwaring may school project na dapat bayaran. Isang taong walang binibili kundi kendi't gulaman para sa tanghalian. Isang taong nangungupit sa ayaw magpaubaya. Isang taong hulihan at paluan.
Masakit. Mahirap. Pero lahat ay kalilimutan.
Inda ang latay ng walis-tambo sa aking puwitan, kita'y binalikang magmuli sa iyong kinatatayuan. Isang bantayog na matagal ko ring tiningala't inasam-asam. Sa bigat ng baryang tangan ng aking kaliwang kamay, kasabay ng pag-ngiti ng mga ngiping bungi, akin ka na. Matapos ang ilang libong SALE sa Gift Gate at pagdating ng mga mas bagong laruan, natagpuan kita sa estanteng sa sulok lang pala nakatayo, nakadungaw sa bintana. Luma na ang iyong kahon at ang iyong price tag ay ilang beses nang napatungan ng iba't ibang presyo --bawat isa'y pamura nang pamura.
Pinlastik, isinilid, iniuwi, pinigtas, pinunit, binuksan, ikinalat, inintindi, tinitigan.
Hindi na nagpalit ng damit, hindi na nanood ng TV, hindi na kumain ng meryenda't hapunan. Mayroong hindi mapakaling kitikiti sa kanyang puwitan na ayaw siyang tantanan.
Matagal nang pananabik. Matagal nang pagtitiis. Matagal na pag-iisip.
Hinawakan ang isang piraso't pilit isinuksok sa isa. Hindi maaari. Humanap ng ibang hugis at ipinasok sa isa pa. Parang mali. Binasa niya ulit ang papel na halos malukot na sa gigil ng kanyang mga kamay. Muling tinitigan ang mga bloke ng plastik na tila nakatitig sa kanya't naghihintay.
Nakangisi, nangungutya.Parang hindi tama. Parang hindi ito ang inasam-asam at pinag-ipunan ng isang taon. Parang nakaka-asar talo.
Nagsarado na ang Gift Gate sa Mendiola. Umangat na ang aking grado't lumipat ng ibang eskuwelahan. Lumipat na kami ng tirahan, kung saan malayo sa aking pinanggalingan. Nakakita na ko ng ibang mas-astig na laruan, at daglia'y nabibili ko na ang mga ito agad-agad. Madali ko rin silang naiintindihan at napaglalaruan --at pinagsasawaan.
Nagbago na ang lahat, pati ako, pero ikaw hindi ka pa rin nagbabago. Hindi pa rin kita mabuo.Isa kang malaking palaisipan para sa hindi matunawan. Bawat piraso mo'y simbigat ng adobeng hindi matibag-tibag. Bawat hugis mo'y ayaw lumapat sa iba pang piyesang dapat nama'y lumalapat. Walang katumbas ang disenyo mo. Hindi maintindihan ang kalakip mong instructions. Parang kahit kailan ay hindi kita mabubuo kahit pa tunawin ko ang mga bahagi mo.
Parang iba ka. Katulad ng mga bahagi mo'y hindi tayo magkatugma. Mahirap pilitin ang ayaw, bagamat matagal-tagal rin kitang hinantay.
Katulad ng isang batang hindi napagbigyan, iiiyak ko na lang ito sa isang tabi't kinabukasa'y maghahanap ng iba.
No comments:
Post a Comment