Walang hintayan. Iyan ang batas sa aming hapag-kainan. Oras na magtawag ang nanay ko ng “Kakain na!” tigil ang lahat ng gawain sa bahay – laro, computer, gitara at project.
Hindi ka naman hahambalusin ng dos por dos kapag hindi ka sumunod, pero walang sisihan sakaling ang matira sa iyo eh butu-buto, kalahating baso lang ng Coke ang parte mo, o maubusan ka ng pisngi ng mangga.
Kaya naman tuwing hapunan ng Biyernes o Sabado, kung kailan lahat kaming limang magkakapatid ay nasa bahay at maaga ang uwi ng tatay ko galing trabaho, parang karinderya sa palengke ang pinagsamang kusina at silid-kainan namin. Malayo kami sa napapanood mo sa 7th Heaven. Ni hindi nga kami Munting Paraiso.
Bilog ang aming mesa; bukod sa mas madaling nakapagsisiksikan ang walong taong kumakain nang sabay-sabay (Mama, ako, kapatid kong si letlet, tinay, lolo at lola, tita lisa, at macky), naiiwasan ang pag-aagawan sa kabesera. Walang mantel. Walang placemat. Isang malaking tipak ng salamin na nakalapat ang gitna sa pabilog ring paang bakal, pinaglumaan ng pamilya ng tito ko. Hindi mauga, pero madalas mawala ang salamin sa gitna, ilang beses nang muntik tumilapon ang lahat ng nakahain.
Oo nga pala, sa amin, kapag “nakahain na,” hindi ibig sabihin eh uupo na lang kaming mga anak na parang mga prinsipe’t prinsesa. Ibig sabihin lang noon, nasa mesa na ang kanin (may bagong saing at may bahaw; akin ang kaning-lamig) at ulam (isang bagong luto, isang galing almusal o tanghalian; lingguhan ang pag-uulit ng luto). Nasanay na kami sa KKKPBK: kanya-kanyang kuha ng plato, baso, kutsara’t tinidor. Opsyonal ang huli; walang magbabawal sa iyong magkamay kahit masabaw ang ulam. Kung gusto mo, itaas mo pa ang iyong paa sa silya, ipatong ang siko sa tuhod, solb ka na.
Kung ikaw ang fluorescent lamp sa kisame, ang kauna-unahan mong mapapansin kapag tumitig ka paibaba eh mukhang nirambol na jigsaw puzzle ang aming mesa. May mga plato at basong babasagin, plastic at aluminum. Sa mga kubyertos naman, merong plastic-coated ang hawakan, kahalo ng mga kutsarang sumasandok ka palang ng kanin eh mapupugutan na ng ulo, nakangiwing mga tinidor at manilaw-nilaw na kutsarita. Buti na lang, matagal na naming itinapon ang mga ni-recycle galing Jollibee. Wala namang umaangal. Pwede ka namang mabusog kahit hindi color-coordinated ang mga ipinansasalpak mo ng pagkain sa bibig mo.
Wala ring seating arrangement; oras na makahanap ka ng upuan (kulang ng isa o dalawang silya), pwede ka nang sumabak sa kain. Kung gusto mong magdasal, magdasal ka, pero walang sisita sa iyo kung babalewalain mo ang Last Supper na nakasabit sa dulo ng kusina. Pwede kang magtagal ng 30 segundo, 30 minuto o 3 oras sa mesa, basta dalhin mo ang pinagkanan mo sa hugasan. Tapos, sibat na.
Pero maski ok lang mag-“Eat and Run” sa amin, mas madalas na nagpapang-abot kaming buong pamilya sa hapag-kainan. Doon kami nagiging maligalig. Sali-saliwang kamay. Agawan sa hita ng manok, o sa laman ng nag-iisang pata, o sa buntot ng tilapya. Tumatapong toyo at patis. Nasasaging baso. Nalalaglag na kutsara. At madakdak nga pala kami kumain…
“O anong lowest grade mo ngayong sem?” Nanay ko. Mas madalas na academics ang usapan sa mesa.
“Ayaw niyo ng upo? Masarap iyan, ayaw tikman at…” Nanay ko. Matagal na akong nagdududa sa kahulugan ng salitang masarap. Pwede kang magreklamo sa ulam, pero kung monggo ang nasa harap mo, kakain at kakain ka rin. Sino ba ang magugutom? Alam iyan ng wais na nanay ko.
“Ma, kailangan ko nang magbayad sa dorm…” Kapatid kong babae, sumunod sa akin. Masamang usapin ang pera kaya kailangang ilagay sa timing. Kapos sa budget, kailangang magtipid.
“Nakakainis, fourth lang kami sa MTAP…” Pangalawa kong kapatid na babae. Ang mesa ang aming Dear Kuya Eddie, labasan ng lahat ng sama ng loob.
“RJ, ‘di mo ba sasairin iyang ulo ng isda? Akina, sayang…” Nanay ko ulit.
“Ang daya, bakit mas mas maraming Coke sa akin si Macky?” Pinsan ko.
“Eh bakit si kuya macky, walang gulay?” Bunso naman namin ang hihirit. Iyan na ang pinakamatinding kaso ng rivalry dito. Grade 1 at Grade 2 kasi.
“Pagkatapos kumain, wala munang aalis ha! Magwalis-walis muna kayo!” Nanay ko pa rin.
"Argggh! Saaaa-yaaang!" Ah, ako iyan, kapag mali ang sagot ng contestant ng Game KNB. Oo, nasa kusina ang TV namin, nakapatong sa lumang ref na ngayon eh sticker board na. Gabi-gabi, kasalo namin sina Dyesebel at ang barkada.
Ganyan kami kumain. Magulo. Agawan. Nakaririndi. Pero masaya.
Isa lang ang bawal. Umutot ka na sa mesa, huwag mo lang dadalhin sa hapag-kainan ang pagka-bad trip mo. Walang lugar ang pagdadabog sa mesa namin. Kung gusto mong magwala, huwag ka nang kumain at magkulong ka na lang sa kwarto.
Mahirap alalahanin ang bawat gabi na sabay-sabay kaming kumain lahat, pero sa mga hapunang iyon, dalawang bagay lang ang natutunan ko:
Una, malungkot kumain nang mag-isa, lalo na kapag nasa mall ka at pinagtiyatiyagaan mo ang ni-resurrect na pagkaing food court;
At pangalawa, ang pinakamasarap na ulam ay isang latang corned beef, hinaluan ng patatas at nilagyan ng maraming sabaw. Syempre, mas marami kayong nag-aagawan, mas nakakabusog.
Thursday, November 27, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment