Thursday, November 27, 2008

Hotdogs

Habang naglilinis ang kapatid kong si Aika ng refrigerator ay napansin niya ang nag-iisang pulang hotdog sa sulok ng freezer.

Napagtanto niya na ang hotdog ay nahulog mula sa supot ng maraming hotdog at gumulong sa likod ng freezer. Hindi na namin napansin kaya noong niluto na namin ang mga hotdog, hindi ito napasama. Kaya ayun, nag-iisa na lang siya at literally ay “left out in the cold.”

Kung may feelings lang ang mga hotdogs, ano kaya nararamdaman niya na mag-isa na lang siya sa freezer, habang ang mga kasamahan niya ay naluto na at nakain? Lahat ng kasama niya sa supot na iyon, na-fulfill na ang mission sa buhay na makain – maliban sa kanya.

Lahat ba talaga ng mga hotdog ay kailangan kainin? Baka naman nagbubunyi iyong nag-iisang hotdog dahil malaya pa rin siya, habang ang lahat ng kasama niya ay tunaw na. Pero possible din na nalulungkot siya kapag naaalala niya ang mga kasamahan niya. Maaaring naghahanap siya ng warm body na makakatabi lalo na kapag hindi nade-defrost ang ref at kumakapal na ang yelo. Siguro, minsan, sinusubukan niya ring i-comfort ang sarili niya sa pag-iisip na siya ay nasa “better place” kesa sa mga kasama niya. O baka gusto niya i-defy ang notion na lahat ng hotdog ay kailangan kainin.

Baka handa na siya sa fate niya na siya ang hotdog na hindi makakain at mabubulok na mag-isa.

***

Noong isang araw, bumili ako ng hotdog. Pero hindi tulad noong nag-iisang hotdog na naiwan sa ref, chicken hotdog ang binili ko. Pero okay lang, hotdog pa rin iyon.

Sinama ko ang red hotdog sa supot ng mga brown na chicken hotdog. Binalak ko na prituhin sila for breakfast. At last, mafu-fulfill na rin ng naiwang hotdog ang mission niya sa buhay. At last, maluluto na rin siya at makakain bukas.

Kaya lang, bago matulog ay napaisip ako. Ano kaya ang mararamdaman ng hotdog kung maluto ko nga siya, pero hindi naman niya gusto ang mga kasama niya sa frying pan? Kaya pa ba niyang maghintay sa mga pulang hotdog na bibilhin ko in the future? Kailangan ba talaga siya maluto at makain? Paano kung masaya na siya na nag-iisa?

***

Nakaka-relate ako sa nag-iisang hotdog na hindi pa naluluto at nakakain. Isa-isa nang kinakasal ang mga kaibigan ko. At hinahanda ko na ang sarili ko na maaaring maiiwan akong mag-isa sa loob ng freezer.

May isang supot ng chicken hotdog sa tabi ko pero ayokong sumama sa kanila. Mas gugustuhin ko na lang ang mag-hintay dahil naniniwala ako na may mga bagong supot ng pulang hotdog na darating.

Pero kung sakali mang walang dumating, siguro ihanda ko na ang sarili ko na may mga hotdog na mas masaya na maiwan sa loob ng freezer na mag-isa.

No comments: