Ang sabi ng Lola lahat daw ng tao makasalanan, mapamatanda o kapapanganak na sanggol. Ang mga nakakapunta lang daw sa langit ay yong mga pinagpala ng Diyos at nagmimilagro sa lupa, samakatuwid, isang santo. Kapag hindi raw nagsisimba, nangungumpisal sa pari, hindi nagdarasal ng rosaryo, basta hindi pa nakakapatay ng tao lalo na’t katoliko’y sa purgatoryo mapupunta. Ang mga hindi naman katoliko, diretsong impyerno. Noon, naisip kong buti na lang katoliko ako.
Ang sabi ni lola, santo lang daw ang kapag namatay diretsong langit, lahat daw ng katoliko, pag namatay dadaan muna sa purgatoryo, kailangan pa kasing makaipon ng maraming dasal mula sa mga buhay para mapayagan ang isang kaluluwa na pumisan kasama ng Diyos. Naisip ko noon na kawawa naman ang mga taong kinalimutan na ng mga kamag-anak nila, matatagalan ang pasaporte nila patungong langit. Mabuti na lang marami akong kamag-anak na pwedeng manalangin sa akin.
Ang sabi ni lola, kapag namatay daw ako, sa purgatoryo ang punta ko. Ok lang daw yon dahil marami namang tao sa purgatoryo, para lang rin daw “earth”, halos walang pinagkaiba sa “lugar ng mga buhay”. Hindi nga lang daw ginto ang mga kalsada. Naisip ko na hindi kaya magkaroon ng over-population sa purgatoryo dahil andaming tao na napupunta doon, ang konti naman ng umaakyat sa langit. Ok lang daw yon, malawak naman ang purgatoryo.
Ang sabi ni lola, sa langit doon mo mararanasan ang tunay na kaligayahan. Sa impyerno naman ay walang hanggang paghihirap at kaparusahan. Doon susunugin ang kaluluwa at kakainin ng mga hindi namamatay na uod. Naisip ko lang, pwede bang sabay yon, masunog at kainin ng uod? Astig!
Patay na ang lola ko. At ako, hindi na katoliko. Hindi na ako nagsisimba, nangungumpisal sa pari, nagdarasal ng rosaryo, marami na rin akong binalak na patayin sa isipan ko, at minsan ko na ring sinubukang patayin ang sarili ko. Sabi ng lola mapupunta raw ako sa impyerno, nakakatakot no?
Masusunog ako at kakainin ng mga uod ang katawan ko ng habang buhay, tutusok-tusukin ng mga demonyo ng malaking tinidor at lalatigohin, paulit-ulit, isang habambuhay na sakit.
Punyeta!
Napagod na siguro akong matakot, mag-isip ng masama sa kahihinatnan ng kaluluwa ko. Napagod na ako sa kakaisip kung paano ako magiging santo, at kakapraktis para makagawa ng milagro. Hindi ko kayang mag-levitate o magpagaling ng tao, o kausapin ang mga hayop, o maging ermitanyo’t pumunta ng bundok at makita ang mga santo o si Mama Mary or Papa Jesus. Nahihirapan na akong magpakabuti, dahil inaabuso lang rin naman ako. Bakit ba kailangan kung ibaling ang kanan kong pisngi kapag sinampal ako sa kaliwa, pwede ko naman syang sapakin, o kaya’y paduguin ang ilong? Bakit ba kailangan kung ipagdasal ang mga namatay, e sayang lang naman sa oras yon, hindi ko naman sila kilala? Bakit ba gusto kung pumunta sa langit, kung ok naman sa purgatoryo? Ba’t ba ako takot sa impyerno?
Matapos ang isang malalim na pagiisip, isang buwan, dalawang buwan, tatlong buwan, hanggang umabot ang isang semestre ng kakaisip at kakapukpok ng ulo sa pader hanggang dumugo, nagising ako.
Eto ako ngayon, isang ateyista (atheist) at masaya.
Ang sabi ng Lola, ang mga ateyista raw satanista! Eto lang ang masasabi ko sa Lola ko, isang malaking “ASA!”
Monday, February 16, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment