Kapag kakain ng libro, huwag maging pihikan; tikman ang lahat ng pwedeng tikman at huwag agad aayaw.
Maaaring mapipilas na ang pabalat na natapunan ng kape at naninilaw na ang mga mapapanghing pahina, pero alalahaning hindi ang mga ito ang iyong nanamnamin kundi ang mga muni-muni ng may-akda. Huwag ding maniwala sa sabi-sabi; magkakaiba ang ating panlasa. Higit sa lahat, tandaan ang sinabi ni Anonymous: "Never judge a book by its movie."
Nasa sa iyo kung gaano mo kabilis isusubo ang mga salita, pero sana, pagtagalin ang mga ito sa bibig. Huwag kang lunok nang lunok ng mga ideya at kwento. Mahirap mabilaukan o matinik.
Dila-dilaan at nguyain nang mabuti ang mga tauhan upang mas malasahan mo ang pagkakaiba ng matamis, ng maasim at ng maanghang. Gayundin ang gawin sa mga opinyon hinggil sa isang isyu at sa mga taludtod ng tula.
Kung may oras ka, suriin kung paano niluto ng may-akda ang hawak mong libro. Usisain ang paraan ng paghahalu-halo ng mga simbolo at imahe. Huwag kang titigil hangga't hindi mo nalalaman kung bakit niya nahuli ang iyong panlasa. Dito mo matutuklasang may mga sahog na hindi lamang pandekorasyon, kundi pandagdag sa timpla at pampatakam sa iyo upang ubusin ang mga pahina.
Siyempre, maganda rin kung mararanasan mo ang mga pagkakataong tsibog ka lang nang tsibog, walang ibang iniintindi kundi ang pagguhit ng mga salita sa iyong lalamunan, hanggang sa magmakaawa ang iyong mga mata at mabusog ang iyong utak. Hindi naman kailangang seryosohin ang lahat ng bagay. Ang mahalaga, iyong nakukuha ang sustansiyang gusto mong makuha sa kinakain mong libro.
Sakali nga palang maubos na ang libro, pero nagugutom ka pa at wala ka nang pambili, matuto kang makikain. Huwag mahiya. Basta't kapag ikaw naman ang meron, magpakain ka rin. Nasa diskarte iyan kung gusto mong makarami.
Inaamin kong may mga librong masarap isuka: mga librong parte ng iyong pag-aaral o trabaho kaya't pinipilit mong sikmurain, mga librong sa ayaw at sa gusto mo eh kailangan mong harapin tuwing almusal, tanghalian at hapunan. Ganyan talaga. Ang maipapayo ko sa iyo, magpuslit ka na lang. Kumain ka ng mga paborito mong libro habang nagbabawas sa kubeta, nag-aabang ng barkada sa bookstore o naglilibang bago mag-exam. Lalong sumasarap kapag takas.
Hahanap-hanapin mo ang mga libro, kaya naman nakalulungkot ang katotohanang darating at darating ang araw na itatae mo ang mga nakain mo. Pero huwag kang mag-alala, hindi lahat ay nauuwi sa inodoro. May mga butil -- gaano man kaliit -- na manunuuot sa iyo. Mahirap malaman kung alin at saan. Magugulat ka na lang, dahil isang araw, magigising ka at iyong mapagtatanto: ang bahagi ng libro ay bahagi mo na pala.
No comments:
Post a Comment