Nung bata ako naalala ko nung pinapaliguan ako may bimpo silang ginagamit, pangkuskos. Tapos nagtagal, labakara naman kasi nakalakihan ko na yung bimpo. Pero nang tuluyang tumanda at nagkabuhok na sa iba't ibang parte ng katawan syempre ako na lang mag-isa nagpapaligo sa akin. Simula nun natuto akong mag-eksperimento sa katawan ko.
Naisip ko ayoko ng maglabakara pang kuskos. Gusto ko sabon na lang. Nakakatamad kasi. Kaya sabon lang ng sabon wala ng kuskos. Oks lang naman ang pakiramdam. Medyo may natitirang libag, pero at lis mabilis ang paligo ko. At ganun nga ang aking naging prakits. Ngunit nagbago to nung isang araw nakitira yung tito ko sa amin sandali.
Isang hapon nakita ko syang parang may hinahanap sa bakuran. Linapitan ko at tinanong kung ano ang hinahanap nya. Naghahanap daw sya ng panghilod. Isang batong magaspang. Medyo nandiri ako nung una sa sinasabi nya. E may mga tae ng aso dun tapos mga kung anu-anong bulate sa lupa tapos ikikiskis mo sa katawan mo. Sabi naman nya, pakukuluan nya naman daw muna. Makakatulong daw yun para magpantay yung kulay ng balat. At ayun, dalawa na kaming naghahanap ng mahiwagang bato.
Ngunit isang araw nung maliligo na ako, hindi ko mahanap ang aking panghilod. Hinanap ko sa buong bahay ngunit wala. Habang ako'y nagmumukmok sa isang tabi, nilapitan ako ng nanay ko. Sabi nya, "Anak, yung bato ba ang hinahanap mo?" Tumango ako ng konti. "Itinapon na ng tatay mo. Hindi daw nararapat sa katawan mo ang bato." sabi nya. Tumayo ako na para bang nagdadabog. "Anak, unawain mo ang tatay mo. Ang gusto nya lang ay ang makabubuti sa yo.
May mahahanap ka pang ibang mas tama para sa iyo." malumanay nyang sinabi sa akin. Simula nun parang may napakalaking kulang na sa buhay ko na pilit kong hinahanap.
Isang araw, napadaan kami sa isang beauty shop na pang mayaman. Di sana ako papasok dun kasi di ko naman lebel ang mga ganung shop. Ngunit ninakaw ang pansin ko ng isang napakagandang loofah na nakadisplay. Tinanong ko sa saleslady kung magkano. Sobrang mahal ng presyo. Ngunit kailangan kong makuha ito. Kaya't nangutang ako at inubos ang mga naipon ko para makuha ko ang loofahng ito. Sabi ng mga kaibigan ko hindi daw tama ito para sa kin. Pang mayaman lang daw, high maintainance. Pero di nila ko mapipigil.
At buong giliw kong ginamit ang bago kong loofah pang exfoliate sa aking balat tuwing naliligo. Nung mga unang araw masarap sya sa katawan. Ngunit nang tumagal, gumagasgas na sa balat. Binasa ko ang instrakyon manwal, at ayun. Kailangan pala mamahaling liquid soap lang ang gamitin. Wala na kong pera pambili. Tama ang mga kaibigan ko. Nang lumaon, nasira ng tuluyan ang mahal kong loofah at nagkagalos-galos ang balat ko.
Nakitira ako sandali sa bahay ng kaibigan ko. Nung maliligo na ako, napansin ko ang isang napakagandang loofah na nakasampay sa banyo. Nung una, ayokong paunlakan ang temtasyon. Ngunit hindi ko talaga napigilan at ginamit ko ang loofah. At ang sarap gamitin ng loofahng iyon. Wala na kong ibang naisip na mas tatama pa sa loofahng yun. Ngunit alam ko na ibang tao ang may-ari nun. At darating at darating ang araw na malalaman nya na ginagamit ko ang pag-aari nya. Kaya masakit man sa damdamin, itinigil ko ang paggamit sa loofah at tuluyang lumipat ng matitirhan.
Natuto akong mamuhay ng walang loofah. Mahirap nung una. Pero naging ayos naman nung tumagal. Nang isang araw, sa paborito kong tindahan, ayun ang isang loofah. Hindi kamahalan, pero hindi rin ganun ka-cheap. Nung una naisip ko parang ayaw ko na. Ayoko nang masaktan. Masaktan ang balat. Ngunit ganun talaga, eventually binili ko rin at ginamit. At sa wakas naramdaman ko na ito na talaga ang tama para sa akin. Pati ang magulang ko natuwa para sa akin. Alam nila na nahanap ko na ang loofahng para sa akin.
Isang umaga pagkatapos ng isa't kalahating taon, nang ako'y maliligo na. Pagbukas ko ng banyo. Nawawala ang loofah ko.
Friday, February 20, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment