Friday, February 20, 2009

Dingding

Isang mahinang tawa ng babae ang narinig niya mula sa kabilang kuwarto. Napatigil ang lalaki sa kanyang ginagawang pagbabasa. Ilang linggo na rin siyang umuukupa sa kuwartong iyon ngunit ngayon lamang niya napansin ang bagong lipat sa kabilang silid. Madalas itong tahimik. Sa kanyang pagkakaalam, siya lamang ang umuupa sa palapag na iyon. Maaring dahil sa isturktura ng gusali, lumang-luma na at amoy amag. Ngunit maaari ng pagtiyagaan lalo na kung ganito kamura ang upa.

Nakatapos ang lalaki ng isang buong kabanata sa libro ngunit hindi na muli niya naulinigan ang boses.

Babae ang bagong lipat, sigurado niya sa sarili.

Dingding lamang ang pagitan nila. Isang mahinang istruktura na gawa sa mumurahing tisa na maaring pagtagusan ng anumang uri ng tunog. Walang pwedeng mailihim maging ang pinakamahinang bulong.

Nagtaka ang lalaki sa katahimikang naramdaman kaya’t nagpasya siyang ipagpaliban ang pagbabasa. Ibinaba ang libro saka humikab. Pinagmasdan niya ang nababakbak na pintura sa kisame. Gusto niyang tungkabin ito isa-isa. Alisin ang mga nakausling animo mapuputing balakubak sa sahig, kiskisin, at muling pakintabin. Ngunit hindi pumayag ang kanyang isip. Masisira ang nakagawian na niyang disenyo ng silid na animo’y napag-iwanan ng panahon.
Umayos siya ng upo sa kama na tila ba may kung anong bagay na paparating siyang inaasahan. Kinapa ng kanyang mga paa ang tsinelas na goma sa ilalim ng kama at saka muling inayos ang sarili.

“Hayan na siya.” Mahina niyang bulong.

Sa pangalawang pagkakataon ay naulinigan niya ang mahinang tawa ng babae. Tumayo ang lalaki at agad na idinikit ang pisngi sa dingding, di alintana ang magaspang na haplos ng nababakbak nitong pintura. Naghintay siya. Bigla uling sumaklot ang labis na katahimikan. Bigla siyang kinabahan. Tila malapit lamang ang babaeng hinahangad. Walang dingding, walang pagitan.

Bumalik ang lalaki sa pagkakaupo sa kama. Ingit lamang nito ang maririning sa buong silid. Bigla ay nanginig ang buo niyang kalamnan. May gusto siyang gawin ngunit tila napako siya sa puwesto. May kung anong bagay ang pumipigil sa kanya.

Inapuhap niya ang kaha ng sigarilyo sa lumang tukador, ang kanyang tanging sagot sa mga ganitong pagkakataon. Mula sa madilim na kuwarto ay gumuhit ang sindi ng dilaw na liwanag mula sa posporo. Agad niya itong inilapit sa sigarilyo na nakasuksok sa kanyang bibig at saka humithit.

Hindi ito miminsang nangyari sa kanya. Hindi lang sa lumang gusali gaya ng kinaroroonan niya ngayon. Kahit saan. Hindi lamang miminsan.

Limang beses siyang humithit bago nagpasyang iangat ang kanyang mukha sa kinaroroonan ng bagong dating. Kanina pa niya naramdaman ang pagpasok nito. At kanina pa siya hinihintay. Pagka-angat na pagka-angat ng mukha ay nasalubong niya ang mata ng bagong bisita.
Seryoso itong nakatunghay sa kanya. Tila masusing pinag-aaralan ang kanyang mukha, ang kanyang buong pagkatao.

Ang liwanag mula sa malamlam na buwan lamang ang nagsisilbing ilaw sa silid. Siya at ang babae na kanina lamang ay naulinigan niya sa kabilang silid.
Nag-alangan ang lalaki. Muli siyang humithit sa sigarilyo at saka matamang pinagmasdan ang kaharap.

Bagamat maputla ang itsura ng babae, walang duda sa angkin nitong kagandahan. Tila isang aparisyon. Kamukha niya si Audrey Hepburn, yun agad ang unang rumihistro sa utak niya.
Hindi niya mawari ang reaksyon ng babae, gaya niya, nakatunghay din ito sa kanya. Dati, sa isang tingin pa lamang niya ay alam na niya agad ang pinanggalingan ng mga katulad nila. Isang tingin pa lamang ay nababasa na niya ang nakaraang buhay nito. Ang nakaraan, dating estado sa buhay, ang pinagmulan, maging ang trahedya na pinagdaanan. Ngunit hindi ngayon. Nahirapan siyang basahin ang kaharap. Tila may makapal na ulap na nakaharang sa kanya. Nagsisilbing proteksyon laban sa mga katulad niya. Mahirap sisirin.

“Hindi kita gusto.” Mahina ngunit malinaw na usal ng babae. Hindi pa rin nito inaalis ang pagtitig sa lalaki.

Hindi agad nakuha ng lalaki ang binitiwang salita ng kausap. Napakunot siya ng noo.

“Maaari akong manggulo kapag hindi ka umalis dito. Marami akong pwedeng gawin. Nauna ako sayo kaya dapat na iakw ang umalis.”

Nakuha na ng lalaki ang ibig nito. Hindi na ito bago sa kanya. Sa dami ng gusali na tinirhan at nilapaatan niya, hindi iisang beses siyang napalayas. Hindi iisang beses siyang nakipagtuos.
Nagtiim ng bagang ang lalaki at tumayo mula sa kinauupuang kama. Tumalikod siya sa may bintana kung saan naroon ang buwan upang tanging ang madilim na pigura lamang niya ang makikita.

Nagbago din ng posisyon ang babae. Umupo ito sa sahig, na tila ba hindi alintana ang tama sa solidong materyales. Nilaro-laro nito ang nakatihayang ipis sa sulok. Tila naghihitay sa pasya ng lalaki.

“Hindi ako aalis dito.” Sa huli ay turan ng lalaki.

Biglang nagbago ang reaksyon ng babae. Tumayo ito at lumapit sa lalaki. Lumulutang ang magaan niyang katawan sa hangin. Akmang sasaktan ang kaharap. Ngunit sa halip na sampal ay dumapo ang malamig na hangin sa kanyang pisngi. Lamig na nagdulot ng labis na kilabot sa kanyang buong katawan. Sapol ang tiyan, napaluhod ang lalaki. Parang bigla siyang nahulog sa isang napakalalim na bangin at nauubusan siya ng hininga.

Humakbang ang babae papalayo, patungo sa tahimik at malamig na dingding. Sa gayong anyo ay alam na ng lalaki ang mangyayari.

“Muli na naman akong makikipagtunggali,” usal niya sa sarili.

No comments: