Minsan ko nang sinubukang bilangin ang mga tala
At lakarin ang hantungan ng dalampasigang lupa
Masyadong malawak ang langit upang maglaman lamang ng iilang bituwin
At masasayang lang ang tabing-dagat sa isang butil ng buhangin
Mula sa kinatatayuan ko
Pareho lamang ang alon at ang ulapWalang pinagkaiba ang langit at lupa
Iisa lamang ang gabi
Iisa lang ang umaga
Nag-iisa lang ako.
Sa dagat, maraming hugis ang buwan
Pabago-bago ang mukha ng kalawakan
Doon nagtatago ang araw upang maghimlay
Sa gitna ng dilim at bukang-liwayway
Hindi na ako nasisilaw sa titig ng araw
O pilit naghahabol sa buntot ng bulalakaw
Dito sa kinatatayuan ko
Sa duyan ng alon at ng ulap
Sa anino ng langit at lupa
Isa lamang ang gabi
Isa lang ang umaga
Isa lang ako.
Friday, February 20, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment