Bukas ang bintana ng bahay namin, nanonood kami ng TV, nung bigla ka nalang sumigaw, "Huy!" sabay tago mo. Napalingon pati si Mommy sa'yo. Siyempre ako, umakyat na ng sopa at ginalaw ang jalusis pababa para makita kung sino yung nagtatagong bata. Alam ko na'ng ikaw yun pero kailangan kong makumpirma.
Tumawa ka nung nakita kita. Lagi naman eh. Tuwang tuwa ka parati kapag nakikita mo ako. Napapangiti tuloy ako. Matagal bago tayo nagsalita pareho, pero di tulad ng matatanda, hindi tayo nahihiya. Walang awkward moment kapag bata. Nagtitigan lang tayo, may mga ngiti sa labi -- kitang-kita ang mga ngiping malapit na'ng malaglag at ang mga nagsisitubong pamalit sa mga nauna na.
"Laro tayo" sabi mo sa wakas. Nakabuka na ang bibig ko para tanungin kung anong laro ang lalaruin natin nung nagsalita si Mommy
"Hindi ka pwedeng lumabas ha."
Napatungo ka ng konti at medyo nabawasan ang ngiti nung marinig mo yung Mommy ko. Nakita ko yun kaya para maibsan, ngumiti ako ng mas malaki. Lumabas ang maliit mong tawa. May lumabas ding kaunting laway kaya natawa na tayo ng tuluyan.
"Hindi daw ako pwedeng lumabas eh."
Sayang, gusto ko pa naman sana makasama ka. Ang taba mo kasi eh! Ang sarap mo tuloy pisilin. Madalas, ‘pag naglalaro, sumasagi ang braso ko sa balat mo. Ang sarap kasi malambot. Sayang hindi ko mararanasan yun ngayon...
"O sige, bukas nalang."
Umalis ka na agad pagkasabi mo nun. Bitin. Gusto pa kitang kausapin eh. Para sana masaya. Sinara ko nalang yung jalusis para hindi ko kayo marinig ng yaya mo sa labas. Alam ko maiinggit lang ako eh. Tuloy nalang sa panonood ng Batibot. Di bale, bukas, may laruan akong injection, ipapakita ko sa’yo. Sana lang hindi makita ni Mommy na ilalabas ko yun, naisip ko.
Kinabukasan, maaga akong nagising. Naisip kong tulog pa si Mommy at hindi niya malalaman yung tungkol sa inje-injeksyunan. Pagkalabas ko, tumapat agad ako sa bahay ninyo, nag-ingay ng konti para malaman mong nandoon ako.Dumungaw ka sa terrace ninyo. Tulad ng dati, tumawa ka nung nakita mo ako. Dalawang itim na linya nalang ang mga mata mo. Ako naman, Pilipinong-pilipino, lumaki ang mga mata sa kakatingala sa maputi mong mukha. Pinakita ko sa'yo yung laruan ko. Dali-dali kang pumasok sa kwarto mo. Akala ko magbibihis ka kasi nakapantulog ka pa. Hindi na pala. Dire-diretso ka na papalabas. Papunta sa akin.
Naglaro tayo. Matagal. Masaya.
Lumabas ang yaya mo, sabi mag-almusal ka na daw at maligo kasi malapit na kayong umalis ng Papa mo.
"Sa'n kayo pupunta?"
"Pupuntahan namin si Mama sa Canada."
"Ah."
"Sige ah. Pasok na ako."
"Sige."
Nung pumasok ka sa inyo, tinawag na rin ako ni Mommy. Pinagalitan pa ako kasi ang aga-aga nasa labas na raw ako.
"Ma, pupunta daw sina Mae sa Canada."
"Ah, talaga?! Wow, mabuti pa sila!"
Hindi ko alam, hindi na pala kita makikita.Gabi-gabi umaasa pa rin akong kinabukasan may dudungaw uli sa bintana ng TV room namin para magsabing “Laro tayo.”
___________________________________________________
For the child within uswhom we've lost (far too early) and never mourned for.
Saturday, April 11, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment