Napansin ko siya minsan, hindi ko maalala kung papa'no. Basta na lang, isang araw. Ayun.
Naramdaman ko. Naramdaman lang, hindi naiintindihan. Hindi rin pwedeng hawakan, laging nagpupumiglas.
Wala siyang tiwala kahit kanino. Ang angas! Parang lahat ng gaw'in ko, may itinatagong masamang layunin laban sa kanya. Kapag wala naman akong ginawa, pakiramdam niya nagpaplano pa lamang ako ng kung ano para maipahamak siya.
Talaga nga naman. Naalala ko pa, minsan kinausap ko. Masinsinan ba, para naman may makuha akong kahit konting impormasyon tungkol sa kanya. Aba, nagalit! Kaya daw ako nagtatanong ng mga bagay tungkol sa kasaysayan niya para pwede ko na siyang paalisin. Kasi nga naman, kung alam naman pala niya kung nasaan siya dapat, e di dapat nandun siya. Gusto kong magpaliwanag at sabihing totoo man yun, hindi naman ibigsabihing kapag nakita na niya ang nakatadha niyang kalulugaran e iiwanan ko na siya. Pinabayaan ba man lang ako magsalita? Hinde.
Kaya kung magsama kami ngayon, parang hindi kami magkakilala. Hindi kami nag-uusap, pwera na lamang kung kinakailangan talaga. Sa'kin naman, ayos lang 'yun. Hindi naman ako mahilig mamilit, e sa 'yun 'yung gusto niya e di pabayaan. Isa pa, parang mas marami pa akong nalalaman tungkol sa kanya kapag pinabayaan ko na lang siya mag-isa.
Halimbawa, napansin kong magaling siyang makiramdam sa paraang angat sa mga kauri niya. May alam siyang kung ako lang mag-isa, siguradong hindi ko man lang mapupuna. Ibang klase ang kanyang paningin, may mga nakikita siyang mga bagay na hindi ko maipaliwanag kung pa'no niya napansin. Isa pa, pakiramdam ko ang laki na ng itinanda ko mula nung panahong una ko siyang nakita, pero siya, parang hindi tumatanda. At hindi pa rin nagbabago. Ayaw pa ring magtiwala.
Nung una nga, hindi ko talaga maunawaan. Ang lakas-lakas niya kaya! Yun bang isang tingin mo pa lang sa kanya, alam mo nang hindi mo kayang kalabanin. Kaya kapag natatakot 'yun, talagang litung-lito ako. Minsan nga gusto ko nang sabihin, "Sa lakas mong yan, ang duwag duwag mo! E kayang-kaya mo naman! Kapag pa nasaktan ka, napakabilis mo din naman maghilom! Ano ba'ng problema mo?"
Buti na lang hindi ko tinanong. Dahil nalaman ko lang nitong mga huling araw kung saan niya nakuha ang paraan ng pagtatanggol sa kanyang sarili. Isang mahaba at masalimuot palang pagpapakasakit ang dinaanan niya para maging ganito. At ngayon ko rin lang napansin na sa bawat pagkakataong kinakailangan niyang lumaban para protektahan ang kanyang sarili nasasaktan pa rin siya. Mabilis nga namang gumaling yung mga sugat, pero kahit ako aaming wala nang mas nakakadala pa sa pilat ng pag-alaala.
Kaya ngayon, kung kailan tanggap na yata namin parehong hindi na namin malalaman kung sa'n siya nagmula, talagang hindi ko na siya pinapakialamanan. Kung may malaman man kami, eh kung baga, karagdagan na lamang 'yun. Alam naman niya kung ano ang ginagawa niya at marunong naman siyang alagaan ang kanyang sarili.
Ang tanging kahilingan ko na lang para sa kanya, sana dumating ang panahong matanggal na sa kanya ang mga pananggol niya. Alam kong hindi maaaring isa na namang mahaba at labis na paghihirap ang padaraanan niya para mangyari 'yon. Pero ang naiisip ko namang rason kung bakit kailangang mangyari ulit sa kanya yon ay dahil sa panalanging darating din ang araw, hindi na niya kailangan ipagtanggol ang kanyang sarili. Wala nang saysang pang hindi magtiwala. Wala nang rason upang matakot.
Wednesday, April 15, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment