Saturday, April 11, 2009

Ang love story na hindi

"Kailangan ko na umuwi eh."

Sumimangot ako at tinignan ka na tila kinakabisa ang iyong mukha. Ayokong pang umalis ka, kadarating mo lang kasi. Ito iyong isa sa mga kakaunting panahon na nagkaroon ka ng oras upang bumisita sa akin. Gusto ko sana, kung maaari ay tumigil ang oras para sa ating dalawa.

"Sandali na lang, pwede ba?"

Ayoko sanang magsalita ngunit hindi ko napigilan ang sarili ko. Sanay ka na rin naman sa mga pakiusap ko, madalas ang mga ito'y dumadaan sa iyo nang hindi napagbibigyan. Ngunit iba ngayon. Nararamdaman ko ito, dumating ka, hindi ba? Kahit na ba alas-tres na ng umaga, dumating ka pa rin at iyon ang mahalaga.

Ang buong paligid ay tahimik, wala na ngang dumadaang sasakyan sa kalsada at tayo'y nagbubulungan na sa takot na makagising ng mga tao o di kaya'y mabulabog ang aso ng kapitbahay. Pinagpatuloy ko ang pagtingin sa 'yo. Nakita ko sa iyong mga mata ang paghati ng iyong damdamin kung tatagal ka pa sandali upang makipagtitigan sa akin o uuwi na upang matigil na ang pag-aalala ng iyong ermats. Kilalang-kilala na kita, alam ko na lagi ang ikikilos mo, ang iyong sasabihin, at ang takbo ng isip mo.

Mahal kita.

Ilang taon na din kitang minamahal na hindi mo namamalayan. At kahit gaano katagal pa kitang patuloy na mahalin, hindi mo ito mapapansin.

"Aalis na nga 'ko, dinalhan lang naman kita ng pagkain RJ eh."

Napangiti na lamang ako at sabay nilunok lahat ng pagnanasang yakapin ka ng mahigpit at sabihin sayo ang nararamdaman ko. Hindi mo dapat malaman dahil hindi mo rin naman maiintindihan.

"Gago. Ingat ka."

Tumawa ka at saka niyakap ako.

Pumasok ka na sa iyong kotse at pagka-andar ng makina, binaba mo ang salamin ng bintana at kumaway.

"Sige, bes. Goodnight!"

Napabuntong-hininga na lang ako at sabay pumasok sa loob.


_____________________________________________
Oo, isa ito sa mga kwentong parang kayo pero hindi kayo at kahit baliktarin mo man ang mundo, hindi magiging kayo.

No comments: