Thursday, November 27, 2008

Pagmamahal at ang Laruan

Ito ang breaking news: "Walang kapalit ang una mong Lego."

Bata pa siya noon at ang buhay ay isa lamang bulto ng plastik na mayroong iba't ibang korte, maaaring pagkabit-kabitin bagamat iba't iba ang mga sukat nito.

Kaya naman nang una niyang makita sa Gift Gate ang isang kahong mayroong iregular na tao at pangkarerang oto, daglian niyang hinatak ang palda ng ina't itinuro ang laruang hinaharangan ng makapal na salamin.

Hindi daw pwede.

Araw-araw sa kanyang pag-uwi, pilit niyang sinusubukang tunawin ng kanyang paningin ang salaming naghihiwalay sa kanya't sa Legong inaasam. Malayo ito't mataas ang pagkakalagay sa istanteng nangungutyang hindi mo siya maaabot. Hindi mo siya mahahagkan. Hindi mo siya mabubuksan at mapaglalaruan. Hinding hindi.

Ligaw tingin ng mangingirog, kulang sa pansin, mahawakan lamang ang iniibig...

Gagawin ko ang lahat.

Isang linggong walang recess at lunch. Isang buwang naglalakad pauwi mula sa eskuwela. Isang taong nagkukunwaring may school project na dapat bayaran. Isang taong walang binibili kundi kendi't gulaman para sa tanghalian. Isang taong nangungupit sa ayaw magpaubaya. Isang taong hulihan at paluan.

Masakit. Mahirap. Pero lahat ay kalilimutan.

Inda ang latay ng walis-tambo sa aking puwitan, kita'y binalikang magmuli sa iyong kinatatayuan. Isang bantayog na matagal ko ring tiningala't inasam-asam. Sa bigat ng baryang tangan ng aking kaliwang kamay, kasabay ng pag-ngiti ng mga ngiping bungi, akin ka na. Matapos ang ilang libong SALE sa Gift Gate at pagdating ng mga mas bagong laruan, natagpuan kita sa estanteng sa sulok lang pala nakatayo, nakadungaw sa bintana. Luma na ang iyong kahon at ang iyong price tag ay ilang beses nang napatungan ng iba't ibang presyo --bawat isa'y pamura nang pamura.

Pinlastik, isinilid, iniuwi, pinigtas, pinunit, binuksan, ikinalat, inintindi, tinitigan.

Hindi na nagpalit ng damit, hindi na nanood ng TV, hindi na kumain ng meryenda't hapunan. Mayroong hindi mapakaling kitikiti sa kanyang puwitan na ayaw siyang tantanan.

Matagal nang pananabik. Matagal nang pagtitiis. Matagal na pag-iisip.

Hinawakan ang isang piraso't pilit isinuksok sa isa. Hindi maaari. Humanap ng ibang hugis at ipinasok sa isa pa. Parang mali. Binasa niya ulit ang papel na halos malukot na sa gigil ng kanyang mga kamay. Muling tinitigan ang mga bloke ng plastik na tila nakatitig sa kanya't naghihintay.

Nakangisi, nangungutya.

Parang hindi tama. Parang hindi ito ang inasam-asam at pinag-ipunan ng isang taon. Parang nakaka-asar talo.

Nagsarado na ang Gift Gate sa Mendiola. Umangat na ang aking grado't lumipat ng ibang eskuwelahan. Lumipat na kami ng tirahan, kung saan malayo sa aking pinanggalingan. Nakakita na ko ng ibang mas-astig na laruan, at daglia'y nabibili ko na ang mga ito agad-agad. Madali ko rin silang naiintindihan at napaglalaruan --at pinagsasawaan.

Nagbago na ang lahat, pati ako, pero ikaw hindi ka pa rin nagbabago. Hindi pa rin kita mabuo.Isa kang malaking palaisipan para sa hindi matunawan. Bawat piraso mo'y simbigat ng adobeng hindi matibag-tibag. Bawat hugis mo'y ayaw lumapat sa iba pang piyesang dapat nama'y lumalapat. Walang katumbas ang disenyo mo. Hindi maintindihan ang kalakip mong instructions. Parang kahit kailan ay hindi kita mabubuo kahit pa tunawin ko ang mga bahagi mo.

Parang iba ka. Katulad ng mga bahagi mo'y hindi tayo magkatugma. Mahirap pilitin ang ayaw, bagamat matagal-tagal rin kitang hinantay.

Katulad ng isang batang hindi napagbigyan, iiiyak ko na lang ito sa isang tabi't kinabukasa'y maghahanap ng iba.

Yum Yum

Hindi ako mahilig sa jelly beans. Pero nung dumating yung jelly beans galing sa sister ng roommate ko, naintriga ako.

Isang malaking garapon ng jelly beans na siguro ay mga 1000 ang laman at may 49 flavors. Hinanap ko agad yung chocolate pudding na flavor na nakalagay sa listahan. Lahat ng kulay brown, kinuha ko. Pero hindi chocolate ang lasa ng mga jelly beans na kinain ko. May coffee, may plum, may licorice, may rootbeer… ngunit walang chocolate. Sa kakahanap ng chocolate flavor, hindi ko napapansin ang ibang 48 flavors na nasa garapon. At na-realize ko, ikaw ang the elusive chocolate pudding flavor na jelly bean sa buhay ko.

Na-obsessed ako sa lahat ng kulay brown na jelly beans. Iyong roommate ko, na-explore na yung ibang flavor. May bubble gum flavor, may piƱa colada, may peanut butter, may sizzling cinnamon, may caramel popcorn. Lahat yun, nasarapan sya. Ako, hindi ko pinapansin ang ibang jelly beans. Naka-tuon ang pansin ko sa brown jelly beans.

Parang ikaw. Sa kakahabol sa iyo, hindi ko na napansin ang ibang babae sa paligid ko. Masyado akong naka-focus sa yo, kaya napapalampas ko na ang mga matitinong babae na nagbibigay interes sa akin. Parang yung ibang flavors ng jelly beans na hindi ko natikman dahil ang gusto ko talaga eh yung chocolate pudding.

Iyong roommate ko, natikman na nya ang chocolate pudding na jelly bean. Ang swerte naman niya, natikman nya agad ang flavor na gusto ko. Hindi niya hinahangad, yun pa ang napunta sa kanya. Sabi niya, hindi naman daw masarap ung chocolate pudding na jelly bean. Ordinaryo lang ang lasa. Hindi tulad nung mga favorite nyang flavor. Pinatikim nya sa akin yung toasted marshmallow saka ung strawberry cheesecake, masarap naman. Pero, yung chocolate pudding talaga gusto ko eh. Ganon yata talaga yun. Mas gusto natin yung hindi natin nakukuha.

Nung finally natikman ko ang chocolate pudding na jelly bean, napasigaw ako. At last, nakuha ko rin ang gusto ko. Pero, nung ninamnam ko ang lasa, hindi nga sya masarap. Hindi sya ganun ka fabulous. Parang ordinaryong chocolate lang na pinalambot. Pero ang saya nung feeling na finally, nakuha ko rin yun. Matapos akong mapurga sa licorice at root beer flavors.

Hindi ko pa natitikman ang lahat ng 49 flavors na jelly beans sa garapon. Nangangalahati na ang laman pero chocolate pa rin ang hinahanap ko kapag binubuksan ko ang takip. Fixated pa rin ako sa mga kulay brown na beans, kahit na mas appealing ang pink, violet at blue. Madalas, ibang flavor na nakukuha ko pero kapag sinuswerte, nahahagilap ko rin ang chocolate pudding.

Oo, hindi worth the aggravation ang paghahanap sa chocolate pudding. Hindi worth ang paghahabol ko sa yo. Ordinaryo ka lang naman. Marami pang hihigit sa yo. May mga blueberry o cotton candy o strawberry daiquiri flavors na babae sa paligid ko pero hindi ko pinapansin. Pero bakit kapag kakain ako ng jelly beans, chocolate pudding pa rin ang hinahanap ko? Bakit kahit na marami naman babae dyan, ikaw pa rin ang gusto ko?

Hay, siguro dahil sa nakasanayan ko na.

Alkansyang baboy

Ako ay may alkansyang baboy. Taglay nito ay maputing kutis, nakaumbok na mga labi, mga pisnging tila kinukurot bawat sandali, at puwit na nanaisin mong iunan bawat gabi . Walang ibang nagmamay-ari sa kanya, kundi ako.

"Kapag may isinuksok, may madudukot." Iyan ang laging sinasabi ng aking tatay noong ako ay bata pa. Lingid sa kaalaman ni Nanay, hindi bumababa sa tatlo ang bilang ng alkansya ni Tatay. Mahilig siya sa mga alkansyang kawayan, at tuwing mahuhuli ko siyang nagsusuksok sa mga ito, hindi ko maiwasang mainggit at maghangad na magkaroon ng sariling alkansya.Gayunpaman, ayaw ko ng kawayan. Ang gusto ko ay alkansyang baboy, at sapat na sa akin ang isa.

Ang pag-aasam ay nagkaroon ng katuparan nang ako ay umalis sa poder ng aking mga magulang at magkatrabaho. Tatlong araw matapos ang unang sweldo, napasaakin ang pinakaaasam kong alkansyang baboy.

Maputi ang kutis. Nakaumbok ang mga labi. Tila kinukurot bawat sandali ang mga pisngi. At ang puwit ay nais kong iunan bawat gabi.

Ako ay nagsuksok. Nagsuksok. At nagsuksok pa.

Noong una, tuwing sweldo ko lang nilalagyan ng laman ang aking alkansya. Subalit hindi naglaon, ang pagsusuksok buwan-buwan ay naging linggu-linggo, at saan pa nga ba hahantong ang linggu-linggo kundi sa araw-araw?

Masarap pala, lalo na't masikip ang butas ng aking alkansya.

Hindi ko mapigilan ang sarili kong magsuksok. Magsuksok. At magsuksok pa.

Pero nitong nakaraang buwan, may napansin akong pagbabago sa aking alkansya. Lumalaki ang kanyang tiyan. Ang baboy ay lalong nagiging baboy.

Nang tanungin ko ang aking alkansya tungkol dito, tumugon ang aking baboy, "Ito na ang pinakahihintay natin. Ilang buwan na lang, may madudukot na tayo."

Huh?

Wala akong hinihintay. Ayoko ng madudukot. Ang gusto ko lang ay magsuksok.

Oras na upang sungkitin ang laman ng aking alkansya. Sumaglit ako sa Quiapo, at umuwing bitbit ang isang banig ng tabletas at iba't ibang boteng naglalaman ng mga ugat, sanga at dahon.

"O eto, ikaw na ang pumili kung ano ang gusto mong inumin. Kung ayaw mo namang ipasungkit sa akin ang laman ng tiyan mo, magbihis ka. Maghahanap tayo ng doktor na susungkit diyan."

Pero ayaw tuminag ng aking baboy. Gusto niyang mabuo ang laman ng kanyang tiyan.

Hindi ba niya naiintindihan? Ang laman ng kanyang tiyan ay akin, hindi kanya. Ako ang nagsuksok, siya ay isa lamang lalagyan. Kung ano ang gusto ko, iyon ang masusunod.

Kaya ngayon, ako ay may hawak na martilyo at ang aking alkansya ay nakakulong sa kwarto.

Napag-isip-isip ko, isang bagay lang ang ginagawa sa alkansyang baboy kapag ayaw nitong ipasungkit ang kanyang laman:

Binabasag.

________________________________________________________

Hindi lahat ng istorya ay kailangang magwakas ng maganda, dahil kung hindi ka gugulatin, hindi mo malalamang ng problema pala

Partners (?)

Matapos matunaw ang yelo ng iced tea, matapos magsawa sa pagkalam ang aking sikmura, matapos kong panooring magsubuan ng halo-halo ang magkasintahan sa tapat ng aking inuupuan (nakasampung pasahan sila ng kutsarita bago maubos ang kinakain), dumating ang waiter na may bitbit ng aking hapunan.

Hanggang dito ba naman, kailangan ko pa ring maghintay?

Inilapag ng waiter ang mangkok ng chao fan, ang plato ng beef motong at ang platito ng mantao. Ihinuli ang tissue at dalawang pares ng kubyertos na nakabalot pa sa papel upang hindi madumihan. Panandaliang sumagi sa aking isip na isauli ang isa. Aanhin ko naman iyon? Mabuti nga't makakatulong pa akong matipid nila ang isang patak ng dishwashing liquid.

Pero huwag na lang. Sayang sa laway. Tutal, kasalanan naman nila iyon e; hindi dahil dalawa ang order ko, chao fan at motong, e dalawang tao rin ang kakain. O baka naman naniniguro lang talaga sila. Sabagay, mas mabuti na ang sobra kaysa kulang. Pero teka, hindi ba napansin ng kahera na isang iced tea lang ang order ko?

Ang diskurso sa aking isipan ay naantala ng matingkad na kulay blue at orange na hindi nawawala sa gilid ng aking paningin. Nang iangat ko ang aking mga mata, kinakausap pala ako ng waiter.

"Sir!" Medyo malakas, pang-ilang beses na kaya niyang inulit iyon? "May kulang pa ho ba?"

Oo, meron pang kulang. Hindi nga lang pagkain.

Umiling ako, saka ko inabot ang table number na tangi kong kasama sa halos tatlumpung minuto ko ring paghihintay sa aking makakain. Kung hindi lang masarap ang motong ninyo, hindi ako magtitiyaga rito.

Blue at orange. Pamilyar ang kombinasyon ng kulay. Complementary colors, iyon ang tawag sa kanila. Tulad ng red at green (Pasko). Ng yellow at violet (LRT 2). Sa dami ng color wheel na naiguhit ko mula grade one hanggang grade six, hindi ko iyan makakalimutan.

Paborito ko nung elementarya ang Art. Iyon lang ang nagpapataas ng marka ko sa subject kong MAPE (Music, Art and Physical Education). Ipinanganak na nga akong sintunado, baboy pa ako noong bata, kaya olats talaga ako sa Music at PE. Binabawi ko lahat sa Art: pagguhit ng tanawin, paggawa ng eggshell mosaic, pagtupi ng papel para maging origami, paggupit ng art paper at higit sa lahat, pagkulay ng color wheel.

Ang color wheel ay may sandosenang kulay: tatlong primary (red, yellow at blue), tatlong secondary (orange, green at violet) at anim na tertiary (red orange, red violet, yellow orange, yellow green, blue violet at blue green). Magkakatapat ang mga sinasabing complementary colors. Kahit saang parte ka ng mundo magpunta, ang complementary color ng blue ay orange samantalang ang sa red violet ay yellow green. Mas may buhay raw kasi ang isang larawan o bagay kung gagamit ka ng complementary colors.

Sa murang edad, naitatanim sa isipan ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kapareha. Kaya si Malakas ay may Maganda at si Jill ay may Jack.

Hindi ba't paboritong exam sa Nursery ang matching type? Ang basketball, sa ring. Ang baseball, sa bat. Ang papel, sa gunting. Ang kamay, sa gwantes. Ang paa, sa sapatos. Sakto lang ang pagpipilian. Bawat isa, may katerno.

Ganoon kaperpekto ang mundo.

Pagdating ng high school, saka lang nauuso ang sobra-sobrang choices. Sampu lang ang items ng exam, pero A hanggang M ang pagpipilian.

Pagtanda mo, natututunan mong may latak.

At may matandang bigla na lang tumambad sa aking harap; tulad ng pagsulpot ng engkantada sa harap ni Pinocchio upang siya ay gawing tunay na bata.

Si Lola naman, ginugulat ako.

"Totoy, may katabi ka?"

Mababa ang boses. Akala ko noong una, lalaki si Lola. Kasama pala si Lolo. Holding hands.

Isa-isa ko pang sinilip ang tatlong bakanteng upuan sa aking mesa, saka sinabing, "Wala po. Sige po, dito na lang kayo, mabilis naman ako kumain."

"Salamat ha, Totoy."

Gusto ko sanang sabihin kay Lola na disisyete na ako, hindi na ako Totoy, pero naalala kong masamang sumagot sa nakakatanda. Umupo si Lola sa tabi ko, si Lolo ang pumila matapos iabot ni Lola ang Senior Citizen ID.

At sisimulan ko na ang pagkain.

"Totoy, ano iyan?" kalabit ni Lola sa aking braso nang akma ko nang dadamputin ang plato ng motong. Itinuturo niya ang nakalagay sa platito.

"Mantao po, siopao na walang laman."

"Walang laman? Masarap ba iyon?" Inayos niya nang bahagya ang salamin sa mata at ngumiti nang pilit; tila kasalanan sa Diyos ang pag-order ng siopao na walang laman.

Opo. Masarap ang mantao. Kahit walang laman.

"Hindi ba mas masarap ang siopao?"

Paano ko naman masasagot ang tanong na iyan e hindi ko pa nasusubukan?

Hindi ko sinagot si Lola. Bagkus, inilipat ko ang kanyang atensyon sa pila ng umoorder ng pagkain. Sumesenyas si Lolo. Mukhang nakalimutan sabihin ni Lola kung anong inumin ang gusto niya.

"Totoy, pabantay muna ng gamit ko ha? Sandali lang. Ulyanin na talaga itong asawa ko."

Binalikan ko ang aking motong. Pinigaan ng kalamansi. Oras na para haluin. Dinampot ko ang isang pares ng kubyertos. Inalisan ng balot na papel. At, dumulas. Dumulas mula sa aking kaliwang kamay at umalingawngaw sa buong kainan ang kanilang pagbagsak sa sahig.

Dinampot ko ang dalawang kubyertos.

Dalawa.

Buntong-hininga.

Mabuti pa ang tinidor, may kutsara.

Sana nag-takeout na lang ako.

Duwende

Takot ako sa mga dwende. Pinatay ng mga dwende ang tatay ko kagabi. Nang mapansin kong nakahandusay siya sa loob ng aming barong-barong, hindi ko pa yun alam. Subsob ang mukha niya sa basang sahig (tumutulo na naman ang bubong) habang nakakapit ang kanang kamay sa paa ng mesang patungan ng tv kapag hindi kami kumakain at higaan ko naman kapag gabi.

"Nanay, hindi po ba natin gigisingin si Tatay?"

Napatigil ang nanay ko sa pagbabalot ng mga damit namin ni Pamela sa isang malaking kumot. Tumalikod siya, dahan-dahang lumapit sa akin at lumuhod sa harapan ko hanggang sa magpantay ang aming tingin. Nangingilid ang luha sa kanyang mga mata. Hinawi niya ang aking buhok at sinapo ng mga palad ang magkabila kong pisngi.

"Wala na ang Tatay, RJ."

"Kagagawan ba 'to ng mga dwende?" tanong ko sa garalgal na boses.

Isang mahinang tango ang sagot ni Nanay, saka bumagsak ang luha sa namamagang kaliwang pisngi, dumaan sa gilid ng butas ng ilong kung saan may marka ng natuyong dugo, hanggang sa tuluyang maglaho sa kanyang pumutok na labi.

Bumalik siya sa pagbabalot ng mga damit. Dahil kaunti lang naman ang mga ito, isinama na rin niya sa kumot ang radyo, ang dalawang dede at ang bote ng Tiki-Tiki ni Tinay. Isinukbit niya sa kaliwang balikat ang kumot, kinarga ang aking anim na buwang kapatid sa kabila. Pinabuhat niya sa akin ang de-pukpok na tv at hindi na ako pinagpalit ng bihis. Matapos titigan sa kahuli-hulihang pagkakataon si Tatay, nilisan namin ang barong-barong kung saan ako ipinanganak. Malamig ang hangin sa labas; nagsisimula pa lang sumikat ang araw.

Sa bus na napansin ni Nanay na parehong kanan ang naisuot niyang tsinelas.

Mula nang dumating ang mga dwende sa buhay namin, lagi ko nang nakikitang umiiyak si Nanay.

Naaalala ko pa ang umaga matapos unang mag-uwi ng mga dwende si Tatay. Nagtaka ako noon paggising ko dahil nakayakap sa akin si Nanay. Sa sahig kasi talaga siya natutulog, kasiping ni Tatay. Pero hindi nang umagang yun; nakabaluktot siya sa tabi ko para magkasya kami sa mesa, habang naghihilik nang malakas ang tatay kong nakahilata sa sahig. Tulog pa si Tinay sa kanyang duyan.

Agad akong bumangon.

"Nanay! Nanay! Ano po ang pasalubong sa akin ni Tatay?"

Tinapik ko ang mga balikat ni Nanay para magising siya. Nabanggit kasi niyang bigayan ng unang sweldo nung nakaraang gabi; baka uwian daw ako ng tsokolate o kaya laruan ni Tatay. Dahil doon, sinubukan kong hintayin ang pag-uwi ang tatay ko. Kahit na may pasok kinabukasan, hatinggabi na ako natulog. At kaya lang ako natulog eh dahil nangako ang nanay kong gigisingin ako kahit na madaling-araw pa dumating si Tatay.

Nagising naman agad si Nanay, pero saglit akong nagtaka dahil hindi niya maidilat ang kanyang kanang mata, malamang sa sobrang puyat.

"Dwende, RJ. Pinasalubungan ka ng mga dwende ng Tatay," bulong ni Nanay.

Nang marinig ko ang salitang dwende, agad nagsulputan sa isip ko ang mga bagay na kayang-kaya nilang i-magic. Bisikleta ang una kong hihilingin, para hindi na ako maiinggit sa kaklase kong si Jon-Jon. Makakatikim na rin ako sa wakas ng litsong manok, makakapagsuot ng Justice League na t-shirt at makakatira sa malaking bahay!

"E nasaan na po ang mga dwende?" Hindi ko maitago ang pananabik.

"Anak," umiwas ang nanay ko ng tingin, "...sorry, nakatakas sila e."

"Ha? E di sayang naman ang pasalubong ni Tatay," sabay kamot ko sa aking ulo.

"Pasensya na talaga, anak, sinubukan ko silang ikulong sa bote, kaya lang, nagalit sila sa akin. Tignan mo, pinarusahan tuloy nila ako."

Saka ko natitigan ang matang hindi maidilat ni Nanay. Nangangasul ito at may sugat na nagdurugo sa kilay.

"Nge!" ang tangi kong nasabi.

"Huwag kang mag-alala, baka sa susunod na sweldo, pasalubungan ka ulit ng mga dwende ng Tatay, hindi ko na pakakawalan. Pangako."

Niyakap ako ng mahigpit ni Nanay at sabay kaming bumaba ng mesa upang maghanda sa pagpasok ko sa eskwela. Pinagsuot niya ako ng tsinelas; binasag daw kasi ng mga dwende ang mga baso namin sa galit at may mga bubog pang nagkalat sa sahig.

Humalik ako sa pisngi ni Tatay bago pumasok, bilang pasasalamat sa pasalubong niyang kahit hindi ko nakita, e sapat nang kwento upang ipagyabang ko sa mga kaklase ko nang araw na yun. Hindi siya nagising, at kahit gusto ko e hindi na siya pinagising ni Nanay sa akin.

Pag-uwi ko nang tanghali, inabutan ko ang Nanay ko sa may lababo, humihikbi habang nilalapatan ng yelo ang namamagang mata.

Nang tanungin ko siya kung bakit siya umiiyak, ang tanging sagot niya, na magiging sagot niya nang ilang beses pa tuwing makikita ko siyang umiiyak: "Ang mga dwende kasi. Alam mo namang gustung-gusto kong pabaitin sila para sa inyo ni Tinay 'di ba?"

Lagi akong yayakapin ni Nanay pagkatapos. Kapag wala siyang ipag-uutos, magbihihis na agad ako at lalabas upang makipaglaro sa kapitbahay. Pag-uwi ko para maghapunan, nakangiti na uli si Nanay, kahit hindi pantay dahil sa pumutok na labi, at sabay kaming maghahapunan.

"Ano po ba ang itsura ng mga dwende, Nanay?"

Nagsasampay noon ng mga damit ang nanay ko; minsan isang linggo, may nagpapalaba kay Nanay. Karga-karga ko si Tinay.

Nanlalaki ang mga mapupulang mata nila. Tumatagas ang pawis sa mukha at mga kamay."Huminga siya ng malalim, saka lumingot sa akin at itinuloy ang sagot, "Kahit isang dipa ang layo mo e mararamdaman mo kung gaano kalakas at kabilis ang pagtibok ng puso ng mga dwende. Higit sa lahat, ayaw nilang makakarinig ng mga matitinis na boses."

Akala ko po mababait ang mga dwende? 'Di ba tinutupad nila yung mga wish ng mga mababait na tao sa tv? Tinulungan pa nga nila si Snow White e!"

"Akala ko rin, anak. Akala ko rin."

Puno ng mga pasa ang kanyang binti at umiika siya habang buhat-buhat ang palangganang may mga basang damit. Muntik na siyang madulas. May ginawa na naman ang mga dwende sa kanya kagabi.

Madalas paduguin ng mga dwende ang kilay ni Nanay. Lagi na lang nangingitim ang mga mata niya. Minsan naman, hiniwa siya ng mga ito sa kanang kamay. Ilang linggo rin siyang hindi makatanggap ng labada dahil doon, gaya nung pasuin siya ng plantsa sa braso.

Nagtataka tuloy ako, bakit si Nanay lang ang sinasaktan ng mga dwende?

Matagal ko nang gustong itanong kay Tatay kung bakit pa siya nagpapasalubong ng mga dwendeng hindi ko na nga nakikita, sinasaktan pa si Nanay. Kaya lang, hindi na kami nagpapang-abot na gising. Kapag dumadating siya galing sa konstraksyon, madalas, tulog na ako, at kapag papasok na ako sa eskwela, siya naman ang tulog.

Hindi ko na matatanong si Tatay.

"Nanay, paano kung sundan tayo ng mga dwende? Sigurado ako, kaya nila yun kasi marami silang kapangyarihan!"

Hinihintay naming mapuno ang ordinaryong bus na biyaheng Siniloan. Doon na raw kami titira, kasama ng lolo at lola kong ngayon ko pa lang makikita.

Huwag kang mag-alala, patay na ang dwende, RJ. Hindi na niya ako masasaktan. At mas mahalaga, hindi na siya magkakaroon ng pagkakataong saktan kayo ni Tinay."

"Waw!" nanlaki ang aking mga mata, "Ibig sabihin, pinatay ni Tatay ang mga dwende kaya siya namatay?"

Hindi na sumagot si Nanay. Ihiniga niya ang aking ulo sa kanyang hita, hinaplos ang aking noo hanggang sa ako ay makatulog.

Sa panaginip ko na natuklasan kung paanong ipinagtanggol ni Tatay si Nanay mula sa mga masasamang dwende.
Believe me, this is going to hurt me too.

The pain you are about to feel will also be my pain, although not too long ago, mine had not been yours. I should have warned you before everything began; I should have told you about my flaw before I let you in my world. Maybe I would not need to do this. To hurt you will not be easy.

It has been written over and over, happy is the person who finds joy in sunshine through a window, bliss in smilies and random text messages, music in the laughter of playing children, pleasure in a borrowed book read over a lazy weekend.

And many believed.

Yet few realized the repercussions of living in the little things. Because just as they are the trinkets of happiness in our every day, they are, when neglected, constant reminders of what is unrequited.

The little things never were important to you, in the same way, I am inclined to think, I never was.

I am angry. I am hurt. And before all the hurting turns to hate, over which I am afraid I have no control, I must hurt you back. You are the reason. Somehow, you have yet to see that.

I remember how, as a child, I used to skip dinner whenever my mother would scold me. It was cruel, knowing how she would later feel guilty about her son hungering the whole night; it was nonetheless the perfect strategy to get what I wanted.

At a very young age, I discovered how pain changes people.

It is solitude in a vacant seat that shows us who and what really matter, indifference in empty conversations that reminds us of the people and things we have taken for granted.

Pain confronts us with the realities happiness cannot. Pain is liberating.

Do not be afraid. It is still I, the one who taught you the magic of finding Polaris using the Big Dipper, the one who showed you sanctuary in the warmth over a cup of chocolate, the one with whom you transformed the unrelenting rain into a shower of sanity.

It is still I, I who will hurt when I see you hurt.

This is a cycle that must come to pass.

When it does, I do hope you forgive me, as I would forgive you.

Lost and Found (?)

Nawawala ang pick ng gitara ko. Hinalughog ko na ang buong apartment na tinitirhan ko -- bawat cabinet at bawat drawer, bawat libro at bawat appliance, kulang na nga lang e bunutin ko mula sa lupa ang buong bahay at itaktak nang patiwarik, baka sakaling malaglag ang hinahanap ko mula sa kung saan mang kasuluk-sulukan, kadilim-diliman at kadumi-dumihan -- pero wala pa rin. Naiwala ko ang pick ng gitara ko. Yung kauna-unahan. Yung itim. Yung bigay sa akin ng kaibigan ko nung nakaraang Pasko.

At tulad ng aking susi ng locker, rubber shoes, P 100 na pambili dapat ng diaper ng kapatid ko, high school graduation pin, college library card, kapalit na college library card, sandosenang sinturon, sangkaterbang panyo, piniratang ,wallet, ID na laman nung wallet, at affidavit of loss para sa ID na laman nung wallet, kailangan ko na atang tanggapin na hindi na kami muling magkikita pa ng pick ko.

May idadagdag na naman ako sa listahan ng mga bagay na pinabayaang maligaw ng landas ni RJ. Panibagong kukurot-kurot sa puso ko kapag umaga at magmumulto sa mga panaginip ko kapag gabi. Sabi nga ng nanay ko, pasalamat daw ako, nakakabit sa akin ang bayag ko. Kasi kung nagkataong hindi, matagal na raw akong kapon.

Ang problema kasi sa akin, animo may sariling isip ang kamay ko. Alam ng utak kong ang isang bagay, dapat ilagay kung saan siya dapat ilagay. Pero ang aking walanghiyang kamay, kung saan-saan nilalapag ang hawak ko. Tuloy, sa pag-aakalang alam ko kung saan ko inilagay ang isang bagay, lumilipas ang mga araw na panatag ang loob ko, para lang magulantang pagdating ng sandaling kailangan ko na yung gamitin, dahil wala naman pala ang nasabing bagay doon. Dang! Saka lang ako magsisimula ng search and rescue operation, na kadalasan eh hindi na umaabot ng rescue dahil search pa lang, abort mission na.

Hindi pa naman ako naniniwala dun sa "Letting Go" ek-ek na kung saan-saan ko na nabasa at narinig.

Nung maiwala ko ang wallet ko sa canteen ng PLM, natuklasan kong ang pinakabasurang pwede mong sabihin sa taong nawalan ng gamit ay "Huwag mo nang intindihin yun. (Ilagay mo rito kung ano ang bagay na nawala) lang yun!" Kalokohan. P 2000 ang laman ng wallet ko. Nung mga sandaling yun, ang sarap tanggalan ng larynx bawat magsabi sa akin ng "Pera lang yun!" Oo, gusto mong makatulong, gusto mo akong pakalmahin, pero para sa akin, hindi yun pera lang. Pera yun. Katumbas ng isang buwang scholarship allowance ko yun. Isang buwang pagpupuyat sa pag-aaral yun. Maglalaho na parang bula at hindi ko iintindihin?

Yung capo ko, pwede kong palitan. Kayang-kaya kong bumili ng panibago, kamukhang-kamukha para hindi mahalata ng kaibigan ko. Pero hindi na yun ang kauna-unahan kong capo. Maski itim din yun, hindi na yun ang bigay ng kaibigan ko nung nakaraang Pasko. Hindi yun pick lang. Pick yun.Basura rin para sa akin ang mga salitang "Kalimutan mo na yun." Kung talagang mahalaga para sa akin ang isang bagay na naiwala ko, bakit ko naman ito gugustuhing malimutan?

Hindi ko sinasabing buong buhay ko nang ipagluluksa ang gamit ko pero hangga't maaari, gagawa ako ng paraan para manatili itong buhay sa alaala ko -- doon man lang ay maipakita ko kung ano ang naging kabuluhan nito sa buhay ko. Lalo pa't hindi napipilit ang paglimot; ito ay hinahayaang mangyari, sa sarili nitong panahon. Walang karapatan ang ibang taong idikta kung kailan darating yun.

Pero ang lalong hindi ko masikmura sa mga "Letting Go" ek-ek ay ang pagtutulad sa pagkawala ng mga bagay sa pag-alis ng mga tao sa ating buhay, sa dahilang higit na komplikado ang huli kesa sa una.

Nung maiwala ko ang payong ko sa PLM, nag-alala kaya siya sa akin? Ipinagtatanong kaya ng nameplate ko sa mga kapwa nameplate niya kung hinahanap ko siya? Dapat ba akong magalit sa high school graduation pin ko dahil umalis siya nang hindi nagpapaalam? Natural, hindi, dahil ang bagay, walang isip. Ang tao, meron. Kapag nawala ang isang tao sa buhay mo, dalawa kayong nag-iisip. Hindi mo alam kung ano ang iniisip ng kabila. Pero kapag bagay ang naiwala mo, alam mo kung ano, kasi wala.

At oras na ang isang bagay na nawala ay bumalik, walang dudang itatago mo na ito at pag-iingatan. Samantalang kapag ang isang taong nawala ay bumalik, aba, panibagong usapan pa iyan.Ang pagkawala ng mga gamit ay isa sa mga hindi ko maaaring makasanayan. Bawat bagay ay may kanya-kanyang halaga; bawat pagkawala ay panibagong pagsubok sa determinasyon kong maghagilap.

Pahaba nang pahaba ang listahan ko, malabong mabawasan at umiksi. Maaari kong makalimutan kung ano ang tatak ng pick ko, kung aling kanta ang una kong natugtog gamit ito, o kung saan ko ito huling napagmasdan, pero habambuhay nang nakaukit sa isip kong naiwala ko ang isang bagay na mahalaga sa akin, at maaaring pati sa ibang tao.

Yun ang masakit, dahil hindi lahat ng naiwawala, naibabalik.