Sunday, November 1, 2009

Langit, Lupa, Impyerno

Mga boses na sintinis ng sirena ng pulis ang gumising sa kanya. “Langit! Lupa! Impiyerno!” Paulit-ulit ang pagkanta. “Im-im-impiyerno! Saksak puso! Tulo ang dugo!” Palakas nang palakas. “Patay! Buhay! Aaaa-lis!” Tumagilid siya at nagtakip ng unan sa tenga para muling makatulog, pero saka napili ng mga naglalaro ang taya; lalo lamang nagsigawan ang mga bata nang magsimula na silang maghabulan.

Punyeta. Sa dami ng kalye kung saan pwedeng maglaro, sa tapat pa ng bintana ng kwarto niya. Bumalikwas siya ng higa. Itinapon ang unan sa paanan. Kumapit sa magkabilang gilid ng kutson at itinulak ang sarili para makabangon. Umupo sa kama. Nilamukos ng kanang kamay ang mga mata habang kinakapa ng mga paa ang tsinelas sa sahig. Hindi pala siya nakapagpalit ng damit; naka-itim na polo at pantalong maong pa rin siya.

Alas-otso y medya, sabi ng alarm clock sa computer table sa kabilang dulo ng kwarto. Alas-dos siya dumating, anong oras ba siya nakatulog? Hindi niya alam. Hindi nga siya makapaniwalang nakatulog siya. Ang mahalaga, nagising pa rin siya sa sariling kama.

May dilaw na post-it sa monitor ng computer. Maski nagmumuta pa siya, basang-basa niya ang kanyang pangalan (RJ, itim na pentel pen at kalahati agad ng papel). Galing iyon sa tatay niya; ugali na nitong mag-iwan ng post-it kapag may kailangang sabihin at hindi sila magkikita. “Tumawag si Lucy, tulog ka na. Magkita na lang daw kayo bukas.” " Maglinis ka ng kwarto.” “Sa labas ka na kumain mamaya, gagabihin ako ng uwi.” Ganoon ang mga mensahe. Walang I lo-I love you anak; hindi sila mahilig sa kasentihan. Na OK lang naman. Nangilabot nga siya nang minsang makakita ng “Ingat” sa text nito sa kanya.

Tinatamad pa siyang lumapit para basahin ang nakasulat sa post-it. Kaliwang gilid na lang nito ang nakalapat sa monitor, halatang nagmamadali ang nagdikit. Baka iniwan bago pumasok sa opisina kanina.

Shit. Pumasok ang tatay niya sa kwarto kanina.

Hinagilap ng mga mata niya ang susi ng kotse. Sa mesa sa gilid ng kama. Sa harap ng CPU. Sa ashtray na katabi ng radyo. Sa sabitan ng belt sa likod ng pinto. Sa takip ng basket ng labahang damit. Wala.

Bakit nga ba iniwan pa niya sa glove compartment ang trapong ipinanlinis niya ng kotse?

Katangahan. Tanga kasi siya.

Iyon lang ang naiisip niyang dahilan. Ayaw na niyang mag-isip pa ng iba; daragdag lang sa sakit ng ulo niya. Kulang siya sa tulog, nakaririndi pa ang mga bata sa labas. “Taya! Taya!” sigaw ng isang bata. “Hindi ah! Ang dugas-dugas mo kasi!” agad na sagot ng nataya. “Anong madaya? Neknek mo!”

Hindi minamartilyo sa sakit ang nararamdaman niya sa ulo. Mas malala. Parang may isang nilalang na nakakulong sa kanyang bungo, nagpupumiglas at gustong lumabas.

Isang batang babae. Lampayatot, hanggang balikat ang buhok, nakasuot ng PE t-shirt at puting shorts. Nagdadabog. Naghuhuramentada sa kanyang utak. Dumadagundong ang mga yabag. Pilit itinutulak ang kanyang mga mata paalis mula sa kanilang mga butas. Handang wasakin ang bungo niya kung kinakailangan. Gusto nitong maglaro. Sa kalye.

Tumayo siya mula sa kama. Pinulot ang rubber shoes na nakakalat sa sahig, saka naalalang itinago niya ang susi sa loob ng kahon ng sapatos sa ilalim ng kanyang higaan.

Tama, doon, kasama ng puting panyong napuno ng pinaghalong pawis at dugo.

Isa pang katangahan. Makahihinga na sana siya nang maluwag.

Sinigurado muna niyang nasa kahon pa rin ang susi at panyo (kulay lupa na ang mga mantsa ng dugo), saka siya lumapit sa bintana. Natanaw agad niya ang mga naglalaro: limang batang nakapaikot sa isang naka-ponytail. Umiiyak ang batang nasa gitna. Malamang iyon ang nataya. Wala pang isang minuto, tatahan din iyon sa tantiya niya. Magso-sorry ang nandayang taya. Pagkatapos, laro na naman.

May mga bata pa palang naglalaro sa kalye.

Akala niya, lahat ng bata ngayon, kung hindi nakababad sa TV, nasa tapat ng computer. Akala niya, extinct na ang taguan, monkey-monkey at Pepsi/7-Up. Walong taon siguro siya nang huling maglaro ng mataya-taya sa tapat ng bahay nila. Third year college na siya.

Expert siya sa dayaan noong bata. Kapag langit lupa ang laro, kaya niyang pahabain ang kanta huwag lang siya ang mapiling taya (“…Patay! Buhay! A-lis ka na di-yan sa pu-wes-to mo!”). Kahit kapirasong patpat ay nagiging langit kapag siya ang nakatuntong. At maliban sa isang nakipagsuntukan, lahat ng naging kalarong babae ay napaiyak niya. Siya ang hari ng kalye.

Pero hindi na siya bata; wala na siyang karapatang mandaya.

Matagal din siyang nakatitig sa kisame kaninang madaling-araw, nag-isip habang nakahilata sa kama. Gaya ng ginagawa niya ngayon habang pinagmamasdan ang mga batang sumira ng umaga niya.

Matanda na siya; may isip na dapat siya.

Sa ayaw niya’t sa gusto, meron pang mga batang mahilig maglaro sa kalye, maski mag-aalas-dose na ng gabi at nagkalat ang mga gagong nagmamaneho ng kotse. Sa ayaw niya’t sa gusto, lasing siya nang umuwi galing sa isang birthday party kagabi, at hindi kanya ang kalye.

“Langit! Lupa! Impiyerno…”

Napupunta kaya sa langit ang lahat ng batang namamatay? Sana. E siya? Asa pa. Alam niyang wala siyang lugar sa langit. Ang problema, ayaw niyang mabulok sa isang kulungan sa lupa.

“Im-im-impiyerno…”

May pagpipilian pa ba siya? Kung nagkataong walang nakakita sa kanya kagabi, hindi siguro siya namumroblema ngayon. Pero bangag sa alkohol ang kukote niya. Bumaba pa siya ng kotse para tingnan kung ano ang kumalabog nang bigla siyang lumiko sa isang shortcut. Kung nagdire-diretso lang siya sa pagmamaneho, siguradong walang nakatanda sa kotse niya.

“Saksak puso! Tulo ang dugo…”

Tumili ang mga kalaro ng batang babae. Tatlo o apat na matitining na boses na sinabayan ng magkakasunod na pagtatahulan ng mga aso sa kalye. Isa-isang nagbukasan ang mga ilaw at may ilang naglabasan ng kanilang mga bahay. Saka lang siya natauhan.

Kitang-kita niya ang duguang batang napailalim sa unahang gulong ng kotse niya. Kumaripas siya pabalik sa driver's seat. Muntik pa siyang masubsob sa aspalto sa pagmamadali; mabuti na lamang at nakakapit siya sa pinto bago tuluyang madapa. Pinaharurot niya ang sasakyan (kung nakaladkad ang bata, hindi na niya napansin) at dalawang oras siyang nagmaneho sa kung saan-saan para matiyak na walang sumunod sa kanya.

“Patay! Buhay! Aaaa-lis!”

Agad niyang nilinis ang bumper, headlight at gulong pagkagarahe sa bahay. Sa katarantahan, panyo pa ang una niyang ginamit na pamunas bago naisip humanap ng basahan. Ngayon, gusto niyang tawanan ang sarili. Wala naman kasing silbi ang ginawa niyang paglilinis ng kotse kaninang madaling-araw.

Iniumpog niya ang kanyang ulo sa bakal ng bintana. Paulit-ulit ("Tanga, tanga, tanga..."), saka tumalikod at naglakad patungo sa pintuan.

Hindi na kailangang idikta ng utak kung saan siya pupunta: sa CR. Nandoon ang medicine cabinet. Kay Satanas din naman ang bagsak niya, uunahan na niya si Kamatayan; kesa sa lupa pa niya unang matikman ang impiyerno. Mga imahe pa lang ng posas, rehas na bakal, barberong kalbo at tatong agila, sinusunog na ang pakiramdam niya. Maswerte na siya dahil wala pang mga pulis na kumakatok sa kanila.

Dahan-dahan siyang dinala palabas ng kanyang mga paa, habang ang muling pagsisigawan ng mga naglalaro ay nilunod ng mga hiyaw ng batang nagwawala sa kanyang ulo.

No comments: