Tuesday, January 27, 2009

Patawad

Ayokong hanapin mo ako dahil sa hindi mo ako makita, (malabo) dahil sa hindi mo ako maramdaman.(malabo pa rin)

Nitong nagdaang mga araw, nagbabago ako ng anyo. Isa akong yelo, na nakakulong sa bakal na puno ng kalawang. Hindi tumatakbo ang oras. Paano ako makakawala nang hindi natutunaw? Nang hindi nadudumhan?

Kung dumating ang oras na maghahanap ka, puntahan mo ang nagliliparang alikabok. Isa ako sa kanila. At kung sakaling mapuwing ka, isipin mong ako ang pumupuwing sa 'yo para di ka masaktan. Gusto kong maramdaman mo ang aking presensya nang hindi ako nakikita.

Kung madaan ka sa mga halaman, 'wag kang kukuha ni isang dahon man lang, baka ako ang iyong mapitas, malulungkot ako.

Pag ninais kong muling magbagong anyo, (ayoko pa) 'wag kang umasang makita ako, mag-iiba ako ng pormat disenyo.

Kung mapadaan ka sa umaagos na tubig, damhin mo iyon ng iyong mga palad. Wag mong punasan, isipin mo ako, hayaan mong matuyo at saka ako maglalaho.

Isipin mo lang akong tumatawa, tulad ng lagi kong ginagawa. Isipin mo lang akong tinotopak, at tawagin mo akong baliw, hindi pa rin ako masasaktan, tulad ng dati.

Hindi mo man ako makita, hindi ako lalayo. Magbago man ako ng anyo, ako pa rin ako. 'Wag mo na akong hanapin dahil hindi ako nagtatago, pero hindi ako magpapakita. Hayaan mong lumipas ang panahon...hanggang sa naisin kong ilapit ang langit sa aking puso...doon lang ako magiging malaya.




*hindi ako lumilimot, at hindi ako lilimot. gusto ko lang maglakbay ng walang anino...ng walang kasaysayan

para sa isang kaibigan. patawad.

No comments: